ISANG hapon iyon ng 1953 kung saan matiyagang naghihintay ang reporters, officials, dignitaries at welcoming committee sa Chicago railway station para sa pagdating ng importanteng panauhin mula sa Germany na nahirang na 1952 “Nobel Peace Prize” winner, si Albert Schweitzer . Siya ay ang world-famous missionary-doctor na ang tanging ginawa sa kanyang buhay ay tulungan ang mahihirap na taga-Africa.
Sa wakas ay dumating na ang tren kung saan nakasakay ang panauhin. At nang bumukas ang mga pintuan ay inuluwal ang isang lalaking may taas na 6’4”, mukhang maginoo sa kanyang bigote na halatang alaga sa pag-aayos. Nagsimulang mag-flush ang mga camera, na-excite ang mga tao sa panauhing pandangal. Dinala siya ng welcoming committee sa isang bahagi ng istasyon kung saan gumawa ng stage para handugan ng “key to the city”. Simbolo ito ng appreciation ng city government na dinalaw sila ng isang kagalang-galang na tao. Sa gitna ng programa ay napatigil ang panauhing nasa stage. Ang malayong tanaw niya ay nasa mga taong pumapanhik sa tren na naka-schedule umalis.
Sisimulan na sana niya ang kanyang speech nang mag-excuse siya sa audience. Bumaba ng stage at dali-daling lumapit siya sa matandang black lady na hirap na hirap sa paghila ng kanyang malaking maleta. Walang tumulong sa matanda dahil nagsisimula na noon ang racial discrimination sa black people. Inilululan ng matanda ang kanyang maleta sa tren. Nilapitan ni Albert Schweitzer ang matanda, binitbit sa kanang kamay ang maleta, habang ang kaliwa nitong kamay ay umakay sa matanda. Inihatid nito ang matanda sa kanyang upuan at nagbilin na mag-ingat ito sa kanyang paglalakbay. Nasaksihan ng lahat ang eksena. Parang nakadama ng pagkapahiya ang mga tao, diyata’t napakarami nila pero isang hindi tagaroon ang nakaisip tumulong sa matanda. Bumalik si Albert sa stage at ipinagpatuloy ang naantalang speech.
Isang member ng official reception committee ang napabulong sa mga reporters ng Chicago Times: “ ‘Yan ang sermon na walang salita pero tumatagos sa puso ng mga nakasaksi.”