Arangkada na rin ngayon ang kampanya sa mga tatakbo sa mga lokal na posisyon para sa nalalapit na eleksyon sa Mayo.
Ibig lang sabihin mas darami pa lalo ang kakalat na campaign materials ng mga kandidato.
Kung ngayon pa lamang kitang-kita na ang sangkaterbang banner, streamer at campaign materials ng mga kandidato sa nasyunal na posisyon, baka hindi lang ito ma-doble, kundi ma-triple dahil sa pag-arangkada na ng kampanya sa lokal.
Kung kampanya rin lang ang pag-uusapan, aba’y masasabing mas matindi ang kampanya sa mga local post.
Kaya nga mas mahigpit na pagbabantay ang isasagawa ng PNP lalo pa nga’t aminado sila maging ang Comelec na mas mainit ang nagiging laban sa mga lokal na posisyon.
Maliit lang kasi ang iniikutan ng mga kandidato, kadalasan nagkakasalubong pa sa daan ang magkakatunggaling grupo.
Dito ang payo ng mga awtoridad, iwasan sana ang mainitang komprontasyon o kantiyawan na madalas na simulan ng kaguluhan. Hindi namamalayan nagkakasakitan kung minsan pa nga nauuwi pa sa patayan.
Sa kabila na tumaas ang bilang ng mga election hotspots na mahigpit na babantayan ng PNP, wala naman daw lugar sa Metro Manila ang sinasabing napabilang dito.
Magkagayunman, dapat pa rin ang mahinahong mga kampanya. Marapat lamang na mabantayan din ng mga kandidato ang kanilang mga supporters at bilinan na huwag sumangkot sa anumang kaguluhan.
Masunod din sana nila ang mga patakaran sa mga campaign materials na mailagay o maikabit sa tamang lugar.
Isa pa rin kasi yan sa pinagmumulan ng bangayan ng magkakatunggaling grupo.
Kadalasang pagnagkabit ng poster ang isang kanmdidato, naku kinabukasan asahan mo mukha na ng kalaban ang nandoon. Paano nga tinatakpan ng mga supporters ng kalaban kaya madalas na magkainitan.