MABILIS pa sa alas-kuwatro ang aksiyon ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde laban sa opisyales ng “Police Paluwagan Movement” scam sa Gen. Santos City. Sinibak kaagad ni Albayalde sina Col. Manuel Lukban Jr., ang chief directorial staff (CDS) ng Police Regional Office 12 (PRO12); Col. Raul Supiter, hepe ng Gen. Santos City Police at Lt. Col. Henry Biñas, mga opisyales ng paluwagan kuno.
Sa totoo lang, may nagpasa sa Supalpal ng modus operandi ng paluwagan scam noong nakaraang linggo na naipasa ko naman kay Albayalde para sa kanyang kaukulang aksiyon dahil puro mga pulis ang nabiktima ng grupo na mismo sa loob ng Camp Fermin Lira nag-ooperate. Kararating pa lang ni Albayalde buhat sa anti-terrorism seminar sa US at matapos malaman ang problema ng mga pulis sa PRO 12 ay kaagad niyang ni-relieve ang tatlong opisyal at nire-assign sa PHAU para hindi na nila mapakialaman ang imbestigasyon na gagawin ng CIDG sa raket nila. Araguuyyy! Hak hak hak! Action man talaga si Albayalde kaya goodbye na lang sa milyones na kikitain ng grupo sa raket ng paluwagan.
“Lumapit po ako sa inyo para mabigyang hustisya at maimbestigahan ng ibang ahensiya ang nangyari rito sa GenSan, ito ay na-scam ang lahat ng kapulisan, dito. Ang pangalan ng sindikato ay Police Paluwagan Movement,” ang pagbubungad ng text message sa akin. Ang sistema ng nasa likod ng raket ay ang pagkumbinsi sa mga kapulisan na mag-invest ng pera nila sa paluwagan at ang return nito ay 60 percent hanggang 120 percent sa loob lamang ng 15 days. Ang ginagamit na opisina ng grupo ay ang CPDEU sa loob ng Camp Fermin Lira na ginagawang tanggapan ng pera o investment. Pinangalanan ang nasa likod ng scam na sina Lukban, na dating hepe ng Makati police; Supiter; Biñas alyas James Bond; at Shiela Grace Agustin, na isang sibilyan. Ang tumatayong operation manager ay si Cpl. Rhodora Bombita, at Sgt. Roderick Ringon, na kapwa tumatanggap ng P750,000 a day, samantalang ang mga ordinary staff naman ay tumatanggap ng P10k a day. Ang in-charge sa pay-ins ay sina Rowena Monta Muega, Weina Dablo, Rodelyn Bombita, Cheryl Semino, M/Sgt. Marigold Roda, at Pat. Venus Amor Clavecilla. Ang nasa pay-out naman ay sina S/Sgt. Jeanette Dosdos, Cpl. Richell Reyes, Cpl. Noemi Arellano, Daisy Javierto at ang bundle handler naman ay sina Liza Prieto samantalang ang incharge sa marketing ay sina Mr. and Mrs. Allen Santua. Siyempre, puro pulis din ang nagsilbing driver-bodyguard ng grupo. Araguuyyy! Hak hak hak! Matapos ang 2 buwan nilang operation, lumipat ang tropa sa bahay mismo nina Santua at Sorongon sa loob pa rin ng Camp Fermin Lira. Lintik talaga no, mga kosa?
Umabot na sa P1.9 bilyon ang na-scam ng tropa sa mga pulis kaya hindi nalalayo na hindi ang mga NPA ang kalaban nila sa barilan kundi sila-sila na mismo, di ba mga kosa? Kasi nga halos walang laman na ang mga ATM ng mga nabiktimang pulis at wala na halos maipakain sa kani-kanilang pamilya. Dahil sa maagang aksiyon ni Albayalde, medyo lumamig ang ulo ng mga biktima dahil alam nilang na magkakaroon na sila ng hustisya. Abangan!