Dear Atty.,
Nabalitaan ko po na kaya pala hindi na nagpapadala ng pera at hindi na umuuwi ang aking asawa na nagtratrabaho sa Canada ay nagpakasal na pala ito sa ibang babae roon. Maaari ko po ba siyang sampahan ng kasong bigamy?
-- Rosalyn
Dear Rosalyn,
Sa ilalim ng ating batas, ang isang tao ay nagkasala ng krimen ng bigamy kapag siya ay nagpakasal ng pangalawang beses habang may bisa pa ang kanyang naunang kasal.
May apat na elemento po ang krimen ng bigamy sa ilalim ng Article 349 ng ating Revised Penal Code:
1. Legal ang unang kasal ng nagkasala ng bigamy at
2. Hindi pa napapawalang bisa ito;
3. Nagpakasal uli ang nagkasala ng pangalawang beses at
4. Balido rin ang pangalawang kasal na pinasukan ng may sala.
Kaya kung balido ang inyong naging kasal at hindi pa napapawalambisa ito at balido rin ang pangalawang pagpapakasal ng iyong asawa sa Canada, pasok po ang kanyang ginawa sa depinisyon ng bigamy sa ilalim ng ating batas.
Ngunit hindi po ibig sabihin nito ay makakapagsampa kayo ng kasong bigamy laban sa inyong asawa.
Ayon po kasi sa Article 2 ng ating Revised Penal Code, maliban sa iilang pagkakataon, mapaparusahan lamang ang mga krimeng nakasaad sa Revised Penal Code kung ginawa ito sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon po sa kasong dinesisyunan ng Korte Suprema na Ganchero vs Bellosillo (G.R. L-26340, June 30, 1969), ang krimen po ng bigamy ay masasabing ginawa kung saan nagpakasal ng ikalawang beses ang may sala. Kaya sa kaso po ninyo ay masasabing sa Canada ginawa ng inyong asawa ang krimen ng bigamy.
Dahil sa labas po ng teritoryo ng Pilipinas ang ginawang pagpapakasal ng inyong ay asawa ay hindi po siya mapaparusahan para sa salang bigamy sa ilalim ng ating batas.
Maari n’yo pa rin naman pong sampahan ng kriminal na kaso ang inyong asawa sakaling umuwi sila rito ng kanyang babae at manirahan bilang mag-asawa. Kasong concubinage naman po ang inyong isasampa kung sakaling mangyari iyon.
Nawa’y nasagot ko po ng lubos ang inyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong inyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay kayong hindi nabanggit.