EDITORYAL - Kung kailan natutuyo na ang dam saka nag-iisip ng paraan

HINDI lamang ang Manila Water ang dapat buntunan ng sisi kung bakit nagkaroon ng krisis sa suplay ng tubig sa maraming lugar sa Metro Manila. Dapat ding sisihin ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sapagkat kung kailan     matutuyo na ang La Mesa Dam saka lamang kumikilos at nag-iisip ng paraan. Ang tubig na nakaimbak sa La Mesa ang pinagkukunan ng tubig na isinusuplay naman ng Manila Water sa mga residente ng Metro Manila. Nagmula naman sa Angat Dam sa Bulacan ang tubig na dumadaloy sa La Mesa.

Madali namang malalaman kung nababawasan ang tubig sa La Mesa dahil may sukat ito at walang ibang nakaaalam nito kundi ang MWSS na may saklaw ng sistema sa operasyon ng water concessionaires. Enero pa lamang nag-anunsiyo na ang PAGASA na maaaring manalasa ang El Niño sa bansa at maaa-ring tumagal ito ng ilang buwan. Ang El Niño ay ang hindi pangkaraniwang pag-init ng temperature ng karagatan sa central at eastern equatorial Pacific na magdudulot ng grabeng tagtuyot sa rehiyon sa Pacific. Huling nanalasa ang El Niño noong 1997 at 1998, kung saan dumanas din ng kakapusan sa pagkain at tubig. Mahigit 70 percent ng bansa ang nakaranas ng grabeng tagtuyot.

Ngayon ay dumaranas na naman ang bansa ng tagtuyot at umeepekto na sa mga imbakan ng tubig gaya ng La Mesa. Kung nakagawa agad ng paraan ang MWSS, Manila Water at iba pang may awtoridad dito, tiyak na hindi sasapitin ang kakapusan sa tubig.

Tinitingnan naman ng pamahalaan ang construction ng Kaliwa Dam project sa Quezon na maaaring pagkunan ng tubig at makapag-supply sa Metro Manila. Matagal na umano ang proyektong ito pero natigil dahil sa hindi malamang dahilan.

Kung ang proyektong ito ang makatutulong sa pagkakaroon ng masaganang tubig sa Metro Manila, umpisahan na. Hindi na dapat ipagpaliban ang     konstruksiyon sapagkat maraming apektado kapag ang tubig ang nawala sa pamayanan.

 

Show comments