NAKALABAS na ng ospital at nasa mabuti nang kalagayan ang isang sanggol sa Japan na ipinanganak na may timbang na 268 grams lang. Sinasabing ang sanggol ang pinakamaliit na baby boy na ipinanganak at nagawang mabuhay.
Ayon sa Keio University Hospital, premature pa ang sanggol nang ipinanganak ito sa pamamagitan ng Caesarean section noong Agosto ng nakaraang taon ng kanyang ina na 24 linggo pa lamang noong nagbubuntis.
Dahil sa kalagayan ng sanggol nang ito ay iluwal ay anim na buwan itong nasa neonatal intensive care unit.
Ayon sa mga doctor, higit tatlong kilo o 3,200 grams na ang timbang ng sanggol nang payagan na itong mailabas ng ospital ng kanyang mga magulang noong Pebrero 20.
Ayon sa nag-alaga sa sanggol na si Takeshi Arimitsu, tinutukan talaga ng hospital staff ang bata sapagkat ang mga sanggol daw na ipinanganak na mas mababa sa 300 grams ang timbang ay nasa 50 porsiyento lamang ang tsansang mabuhay.
Kaya naman ayon kay Arimitsu, walang pagsidlan ng tuwa ang mga magulang ng sanggol nang naiuwi na nila ito sa kanilang tahanan. Gusto rin niyang malaman ng mga tao na may tsansa pa ring mailigtas ang sanggol na kahit man gaano ito kaliit nang ipanganak.
Ayon sa datos na nakalap ng University of Iowa, nasa 23 sanggol lamang na mas mababa sa 300 grams ang timbang ang nagawang mabuhay at aapat lamang sa mga ito ang lalaki.
Ang dating pinakamaliit na sanggol na lalaki ay ipinanganak sa Germany noong 2009 at may bigat na 274 grams.