Pinanggagalingan ng droga ang nararapat tukuyin

Nabasa ko ang inyong editorial na may kaugnayan sa walang tigil na pagkalat ng droga sa bansa sa kabila na maigting ang kampanya ng Duterte administration laban dito.

 

Nagtataka ako na halos araw-araw ay may nahuhuling pushers at mayroon pang napapatay ang mga pulis pero wala pa ring makitang liwanag na matatapos na ang problema sa droga. Sa tingin ko pa nga ay lalo pang lumulubha ang pagkalat ng droga.

 

Noong isang araw, sinabi ng Presidente na lalo pang iigting ang kampanya sa ilegal na droga sapagkat hindi pa nalulutas. Nagpapahiwatig ba ito na mas magiging madugo pa ang operasyon ng mga pulis laban sa pushers? Senyales ba ito na mayroon na namang mga bubulagta sa kalsada at kalyehon?

Ayon sa report, umabot na sa 4,000 katao ang napapatay dahil sa ilegal na droga mula nang umpisahan ang kampanya noong 2016. Naging matindi ang operasyon at araw-araw ay may napapatay.

Sa aking palagay, mahuli man at makapatay ng drug pushers, hindi pa rin malulutas ang problema sa droga. Mayroong uusbong na pushers at patuloy ulit ang pagkakalat ng droga. Mas magiging matalino pa sila para huwag mahuli. Lalo pa silang mag-iisip ng paraan para huwag maputol ang negosyo at kumita nang malaki.

Sa aking pag-aanalisa, dapat ang pinanggagalingan ng droga ang tuunan ng pansin ng pamahalaang Duterte. Kung hindi mawawasak ang source ng droga, balewala ang kampanya. Habang may napapatay na pushers, patuloy naman ang pagdagsa ng droga sa bansa at ngayon nga ay sa dagat pa idinadaan. Maraming cocaine ang natatagpuan sa karagatan na nagkakahalaga ng bilyong piso. Umano’y galing China ang mga cocaine.

Sana, mapigilan ang pagpasok ng droga sa bansa. Makagawa sana ng paraan para wala nang problema sa droga. Ito sana ang tutukan ng pamahalaan.

--FRANKLIN DINALASA, Mapagmahal St. Diliman, Quezon City

Show comments