KAPAG nakakabalita tayo ng inatake sa puso o na-stroke, takot ang agad na pumapasok sa ating isip. Ano ba ang panganib na magkaroon din tayo nito? Paano natin mapapangalagaang malusog ang ating katawan? Siyempre, hangga’t posible, ayaw nating mangyaring magbara ang mga ugat ng ating puso at utak.
Para higit nating maunawaan ang pagbabara ng ugat sa puso at utak, tingnan nating halimbawa ang tubo sa ating mga lababo. Kapag maraming sebo o taba o kung anumang natirang pagkain ang nahulog sa nasabing tubo, nagkakaroon ng bara roon, at ang pagdaloy ng tubig ay nagiging mabagal. Hanggang sa naiipon na lang ang tubig sa lababo kasi’y ayaw nang lumubog. Ganoon ang nangyayaring bara sa mga ugat ng ating puso at utak. Kapag ugat sa puso ang nagkabara, nauuwi ito sa atake sa puso. Kapag ugat naman sa utak ang nabarahan, stroke naman ang nangyayari.
Ano ang pangunahing sanhi ng pagbabara ng ugat na dinadaluyan ng dugo? Ito ay ang “inflammation.” Nagkakaroon ng inflammation sa loob ng mga ugat kaya nagiging posible ang pagbabara. Maaring sa una’y maliit lang siguro ang namuong bara, tapos unti-unting madadagdagan ang sukat ng bara kapag ang paraan ng ating pamumuhay ay hindi maayos hanggang sa mabarahan na nito completely ang loob ng ugat. Wala nang dugong dadaloy kapag nangyari ito. Heart attack o stroke ang maaaring idulot nito.
Kung “inflammation” nga sa loob ng ugat ang sanhi ng pagbabara, anu-anong mga hakbang ang dapat nating gawin upang makaiwas o mabawasan ang proseso ng inflammation sa loob ng ugat? Makatutulong ang sumusunod:
1. Iwasang manigarilyo. O kung naninigarilyo na, ihinto na ito. Kahit ang sinasabing second-hand smoke ay hindi rin maganda. Nakapagdudulot pa rin ito ng inflammation.
Ibaba ang level ng inyong blood sugar kung diabetic na tungo sa normal. Mas maiging kontrolin ang blood sugar level hangga’t di pa nada-damage ang mga ugat.
3. Panatilihing normal ang blood pressure. Kung may alta presyon na, regular na uminom ng gamot upang mapababa ang BP. Ang marahas na pagsulak ng dugo habang dumadaloy sa ugat kapag mataas ang BP ay nagdudulot ng inflammation sa dingding ng mga ugat.
Itsek ang blood cholesterol level. Kung lampas na sa level ng normal, baka hindi na diet lamang ang kailangang baguhin. Maraming gamot na klasipikadong “statins” na makapagpapababa ng blood cholesterol
Panatilihin ang normal na timbang. Kung obese o overweight, magsimula nang magpapayat.
Regular na mag-ehersisyo. Humanap ng isang exercise program na puwede n’yong gawin araw-araw. Tiyakin na mag-eenjoy kayo sa gagawing ehersisyo upang maging bahagi na ito ng inyong paraan ng pamumuhay.
Iwasang ma-stress. Anumang bagay na nagdudulot ng matinding pag-aagam-agam o pag-aalala ay maituturing na stress.
Iwasan ang pagpupuyat. Maituturing din itong stress.