WAGI ang British runner na si Susannah Gill sa kadadaos lang na World Marathon Challenge matapos niyang kumpletuhin ang pitong marathon na ginanap sa pitong kontinente sa loob ng pitong araw.
Tinakbo ng 34-anyos na Londoner ang kabuuang layo na 295 kilometro sa loob lamang ng 24 oras 19 minuto at siyam na segundo.
Tinapos ni Gill ang ika-pitong marathon sa Miami nito lamang nakaraang Miyerkules, na siyang panghuling karera upang makumpleto niya ang “777 challenge”.
Tumakbo si Gill sa Novo (Antarctica), Cape Town (Africa), Perth (Australia), Dubai (Asia), Madrid (Europe), Santiago (South America) at Miami (North America).
Sampung taon nang tumatakbo si Gill at sa panahong iyon ay nakakumpleto na siya ng 45 na mga marathon, kabilang na ang 10 London Marathons – na isang beses na niyang tinapos sa loob lamang ng 2 oras at 58 minuto.
Wala pang 200 katao ang nakakumpleto sa 777 challenge simula nang una itong gawin ni Sir Ranulph Fiennes noong 2003.