ISANG 19-anyos na taga-Spain na ipinanganak na may iisang braso ang nagpapasalamat sa kanyang hilig sa Lego dahil sa pamamagitan nito, nagawa niyang makabuo ng sarili niyang prosthetic arm.
Ayon kay David Aguilar, siyam na taong gulang pa lamang siya ay naglalaro na ng Lego. Nag-aaral siya ng kursong bioengineering sa International University of Catalonia, at ang hobby raw na ito ang nagtulak sa kanya upang makapag-develop ng prosthetic arm mula sa nasabing laruan.
Gumagana ang mga likhang prosthetics ni Aguilar sa pamamagitan ng maliliit na motor na nagpapagalaw sa kamay at siko nito.
Ayon din kay Aguilar, na kilala online sa bansag na “Hand Solo,” ay una siyang nakagawa ng prosthetic na braso mula sa Lego noong siya’y 18-anyos pa lamang at ngayon ay ilang bersyon na nito ang kanyang nalilikha na may iba’t ibang kagamitan.
Ngayon daw ay pinag-aaralan naman ni Aguilar ang paggawa ng mga murang prosthetic para sa mga katulad niyang may kapansanan ngunit walang kakayahan para makabili ng prostethics na karaniwang ilandaang libo ang halaga.