MAKAKAASA ba tayo na ang mga kinatawan sa Kamara ay mag-iisip ng mga batas at resolusyon para sa kapakanan ng mga mamamayan? Syempre, ang sagot nila’y oo. Sa panahon ng kampanya, bawat kandidato ay nagsasabi na ang dahilan ng kanilang pagtakbo’y ang taos-pusong pagnanais na makapagsilbi sa bayan. Pero, ang nakalulungkot, kapag nanalo na, ang inuunang pangalagaan ay ang sariling kapakanan. Kaya’t sa Kamara at iba pang sangay ng gobyerno ay tila laging nabubuhay ang diumano’y sinabi ni Senate President Jose Avelino noong panahon ni Pres. Elpidio Quirino, “What are we in power for?” Para ano’t tayo’y nasa kapangyarihan?
Para ano nga ba’t sila’y nasa kapangyarihan? Maglalabas ba sila ng batas na tatapos sa “political dynasty” bagama’t ito’y ipinagbabawal sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas? Tanungin mo ang karaniwang Pilipino at tiyak na ang isasagot ay malakas na hindi.
Kamakailan lamang, pinagtibay ng Kamara ang isang resolusyon na nagtatakda na kailangang pagtibayin muna sa plenario ang anumang kahilingan para makakuha ng kopya ng Statement of Assets and Liabilities (SALN) ng isang mambabatas at sinumang humihingi nito ay kailangang magbayad ng P300 para sa bawat kopya ng SALN.
Umani kaagad ng malawakang batikos ang naturang resolusyon. Maging ang Malacañang ay nagsabi na ito’y labag sa Konstitusyon at sa diwa ng transparency. Maaalala na si Presidente Duterte ay nagpalabas ng Executive Order kaugnay ng Freedom of Information (FOI) na nag-aatas sa lahat ng opisyales sa Ehekutibo na gawing publiko ang kanilang SALN. Maging si Vice President Leni Robredo ay tumututol sa ginawang resolusyon ng Kamara, sapagkat ito’y paglabag sa tinatawag na transparency at accountability ng mga lingkod-bayan.
Ang mga Kongresista ba’y higit na nakatataas kaysa ibang mga kawani at opisyales ng gobyerno? Sapagkat sila ang tagagawa ng batas ay mas makapangyarihan ba sila kaysa batas? Itinatadhana ng Konstitusyon ang pagsusumite ng bawat opisyal ng gobyerno ng kanilang SALN bilang pag-alinsunod sa probisyon na gumagarantiya sa karapatan ng mga mamamayan na alamin ang mga impormasyong tulad nito.
Para ano’t tayo’y nasa kapangyarihan? Importante ang sagot sa tanong na ito ng mga pinagkatiwalaan ng kapangyarihan sa Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura. Kung ang sagot ay “para pangalagaan ang kanilang sariling kapakanan,” wala na tayong pag-asa. “We are doomed,” wika nga sa English.
Ang tamang sagot sa tanong na ito’y ibinigay ni Hesus sa Mateo 20:25-27, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga Hentil ay naghahangad na sila’y paglingkuran bilang mga panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga taong nasa katungkulan ay nagsasamantala sa kanila gamit ang kanpangyarihan. Hindi ganyan ang damit mangyari sa inyo. Kundi ang sinuman sa inyo na naghahangad na maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. At sinuman sa inyo na naghahangad na maging pangunahin ay dapat maging alipin ninyo.” Dito’y binaliktad ni Hesus ang konsepto ng kapangyarihan na siyang kalakaran ng mundo. Ito ang tinatawag na “Upside Down Kingdom.” Sa kahariang ito, ang pinuno ang siyang alipin.
Inilagay ng Diyos ang mga nasa kapangyarihan upang maglingkod at hindi para paglingkuran; upang maging alipin sa halip na panginoon. Ang isang lingkod-bayan ay dapat naglilingkod sa bayan at hindi sa sarili at sa pamilya. Ang isang lingkod bayan ay hindi nagtatanong ng para ano’t ako’y nasa kapangyarihan? Sa halip, ang itinatanong niya’y paano ko gagamitin ang aking kapangyarihan upang epektibong makapaglingkod sa mamamayan?