MARAMI talagang mga pasaway at matitigas ulo na walang tigil sa paglikha at pagpapakalat ng mga balitang nagbibigay pangamba sa ating mga kababayan.
Marami pa rin ang palaging nakikisawsaw sa mga kaganapan, hindi para tumulong kundi para lalong manggulo sa sitwasyon.
Pagkatapos ng sunud-sunod na pagsabog sa Jolo Cathedral at kasunod nga ang naganap na pag-granada sa mosque sa Zamboanga City, mistulang marami ang sumakay sa mga pangyayari.
Nagpapakalat ng mga kung anu-anong balita na lumilikha ng takot at pangamba sa marami.
Isama pa dyan ang halos araw –araw na mga gawang bomb threat ng ilan.
Kamakalawa lamang halos magkakasunod ang natanggap na bomb threat ng Taguig City hall at sa dalawang lugar sa Makati.
Hindi naman maaaring hindi ito marespondehan ng mga kinauukulan dahil buhay ang nakataya. Resulta negatibo sa bomba na mabuti naman.
Naku, nauna pa rito marami ang ipinapakalat na text messages tungkol sa umano’y may magaganap na pagsabog.
Bagamat hinikayat ng pulisya ang publiko na iignore ang ganitong mga panloloko, marapat din naman na maging mapagmatyag at tumulong sa kapulisan sa pagbabantay.
Sa mga walang sawa namang nagkakalat ng ganitong mga panglolokong banta, ay dapat
nang tigilan dahil nagsasagawa na rin ang mga awtoridad ng paraan para matunton ang mga ito at mapanagot sa ginagawang paglikha ng takot at pangamba sa mga mamamayan.