Tuta, himalang nakaligtas matapos mai-flush sa inidoro ng 4-anyos na amo

ISANG tuta na isang linggo pa lamang naipapanganak ang nakaligtas matapos aksidenteng mai-flush ng batang amo nito sa United Kingdom.

Ang tuta, isang cocker spaniel, ay himalang nabuhay sa kabila pagkaka-trap nito ng apat na oras sa tubo kung saan siya inanod matapos aksidenteng mai-flush ng 4-anyos na si Daniel Blair.

Ayon kay Daniel, ginusto lamang niyang paliguan ang kanyang alagang tuta kaya niya ito dinala sa inidoro. Hindi niya raw sinasadyang i-flush ang tuta kaya nagulat siya nang hinigop na ito ng inidoro.

Agad namang tumawag ang mga magulang ni Daniel ng mga bumbero upang masagip ang kawawang tuta. Duma­ting ang mga bumbero upang tumulong ngunit kulang sila sa mga kagamitan upang mahanap kung saang tubo lumusot ang tuta.

Kaya naman nagpatulong na sila sa drainage company na Dyno-Rod na may mga makabagong kagamitan na maaring tumukoy kung nasaan ang tuta.

Hindi naman sila nagkamali sa paghingi ng tulong sa Dyno-Rod dahil natunton ng drainage company kung saang tubo inanod ang tuta gamit ang kanilang napakaliit na camera na maaring sumuot sa mga tubo.

Napag-alaman nilang inanod mula sa bahay nina Daniel ang tuta sa layong 20 metro. Nang mahanap ng camera ang tuta ay ginamit naman ito ng Dyna-Rod sa pagtulak sa tuta palapit sa isang manhole kung saan naka­abang ang mga bomberong mag-aahon sa kanya.

Naging matagumpay ang pagsagip sa tuta na ngayon ay isa nang malusog na aso na pina­ngalanang Dyno matapos ang insidente bilang pasasalamat sa kompanyang tumulong sa pagli­ligtas sa kanya.

Show comments