Nasa lahi ba ng pamilya n’yo ang kanser?

ANG Enero ay Cancer Consciousness month. Kaya mahalagang pag-usapan natin ang sakit na ito.

Ano nga ba ang posibilidad na magka-cancer ang isang tao kung galing siya sa isang pamilyang may family history ng cancer? Ano ba ang dapat  gawin para makaiwas sa pagkakaroon ng kanser? Hindi man natin gusto, ‘di natin maiwasang maging paranoid kapag may isang kakilala na nalaman nating nagka-kanser.

Makabubuting tanungin ang inyong mga magulang kung may kasaysayan ba ang inyong angkan ng nagkakaroon ng sakit na kanser. Sakaling meron man, makatutulong sa ating lahat ang sumusunod upang makaiwas sa kanser:

Ugaliing magpa-check up taun-taon. Tamang-tama ang pagsisimula ng taon para daluhan ang ating katawan. Huwag nang hintaying may maramdaman pang mga sintomas para magpa-checkup. Magpasuri ng dugo, ihi, at pupu sa laboratory. Hayaan ang iyong doctor ang mag-request kung anong laboratory tests ang gagawin. Ang simpleng ultrasound sa tiyan ay makatutulong din upang malaman kung may namumuong tumor sa atay, bato, at iba pang organo.  Sa mga babae, gawin ang regular na pagpisil sa inyong suso para sa nagsisimulang bukol. Huwag balewalain kahit ang maliit lamang na bukol na nakapa. Magpa-mammography rin. Magpa-pap smear taun-taon.

Tingnang mabuti ang inyong kinakain. Iwasan ang mga pagkaing klasipikadong processed food gayon din ang mga pagkaing matatamis. Damihan din ang pagkain ng mga gulay at prutas na matatawag nating “anti-cancer” gaya ng broccoli, kamatis, luyang dilaw, beans, lentils, berries, at mga madahong gulay. Gumamit ng extra virgin olive oil. Bumili ng mga karneng matatawag nating organic meat. Uminom ng green tea araw-araw. Kung mayroong turmeric powder sa bahay,  puwedeng ihalo ito sa ating mga ulam kung bagay.

Mag-ehersisyo 30 minuto araw-araw. Malaki ang maitutulong nito para makaiwas sa kanser. Maglakad, tumakbo, mag-gym, magsayaw, mag-zumba. Anumang physical activities ay mabuti sa katawan. Subukang manuod sa DVDs ng mga ehersisyong ginagawa ng mga fitness experts at gayahin ito.

Umiwas sa mga karaniwang sanhi ng polusyon sa ating paligid. Lumayo sa mga taong naninigarilyo. Huwag gumamit ng pesticides, insecticides, at ibang kemikal sa bahay. Iwasan ding gumamit ng plastic containers sa pag-iinit ng pagkain sa microwave oven kahit may nakalagay pang “microwaveable” ang naturang hard plastics.      

Anumang mapansing pagbabago sa katawan, sa pagdumi, sa pagkain, pagtubo ng bukol, pagkakaroon ng sugat na di gumagaling, pananakit ng anumang bahagi ng katawan ay huwag balewalain. Huwag ipagwalambahala ang mga nagsisimulang sintoma. Mas mabuting magpa-check up para makatiyak.  

Nagagalak ang aming pamilya sa 75 kaarawan ng aming ina na si Mrs Librada Palasigue Gatmaitan noong Enero18. Ginanap ang espesyal na selebrasyon para sa kanya sa Luzviminda Events Center sa Cabanatuan City noong Linggo. Bumabati ang lahat ng kanyang mga anak: Luis (ang inyong lingkod), Tess-Bong Alimato, Leah-Bill Bernardo, Mavee-Dexter De Leon, Ferdie-Joyce Gatmaitan, kanyang mga apo na sina Mark Joshua, Bianca Camille, Aryn Kristiana, Tricia Nicole, John Patrick, Sofia Isabel, Ethan Michael, Julia Naomi, Adam Jacob, at Audrey Faye. Inaalala rin namin ang aming tatay na namayapa na – si Bayani Gatmaitan – na tiyak na nakikisaya sa amin mula sa langit. We love you, Nanay. Happy 75th birthday!

 

Show comments