NAKAKATAKOT kapag ang isang inihalal ng taumbayan ay umabuso sa kapangyarihan. Nakakadismaya na kung sino pa yung dapat magpakita ng kabutihang asal at kababaang loob ang siya pang magpapakita ng kagaspangan ng ugali sa maraming tao. Sayang lang boto sa mga taong ganito. Nasa huli ang pagsisisi kung bakit naisulat sa balota ang kanilang pangalan.
Ganito ang sentimyento nang nakararami makaraang mabalitaan ang pambubugbog at pagdura ni Iloilo Representative Richard Garin kay PO3 Federico Macaya noong nakaraang Miyerkules. Binugbog ni Garin si Macaya sa plaza sa harap nang maraming tao. At ang masaklap pa, tumulong sa pambugbog ang ama ni Garin na si Guimbal Mayor Oscar Sr. Makaraan umanong posasan, sinipa at dinuraan ng congressman si Macaya.
Ayon sa report, kinumpronta umano ng mag-ama ang pulis kung bakit hindi nito sinampahan ng kaso ang isang teenager na anak ng isang konsehal na nasangkot sa isang kaguluhan. Makaraan iyon, dinisarmahan umano ni Garin ang pulis at pinosasan saka binugbog.
Nakakadiri ang ginagawa ng kongresista na hindi na nasiyahan sa pambubugbog at binigyan pa ng bonus na dura ang pulis. Nakakababa nang pagkatao yung maduraan ka ng kapwa. Para bang ang tingin mo sa sarili ay kawawang-kawawa. Kaya may mga taong nagdidilim ang paningin at nakagagawa nang masama dahil masyadong inapi at kinawawa. Paano kung dinuraan pa. Sobra ang ginawa ng kongresista na hindi kanais-nais lalo pa’t inihalal siya ng taumbayan. Umabuso siya.
Ang ginawa ni Garin ang naging dahilan kaya ang 28 pulis sa Guimbal ay humingi ng reassignment. Sinibak naman ang hepe ng pulisya dahil sa kabiguang maaaresto ang mga Garin.
Humingi ng apology si Garin sa PNP at sa publiko dahil sa nagawa. Sinabing ang aksiyon niyang iyon ay dahil sa kabiguan ng pulis na magawa ang tungkulin para sa mga taga-Guimbal. Isinurender din nila ang mga baril na nakaregister sa kanilang pangalan na natuklasan naman ng PNP na expired na. Ang kongresista ay mister ni dating DOH sec. Janette Garin.
Naging arogante ang kongresista na pinalubha pa nang pagtulong ng ama para bugbugin ang pulis. Kung nagawa nila ito sa isang pulis, maaari rin nilang magawa sa isang sibilyan. At ano ang magagawa ng sibilyan sakali at siya ang nabugbog ng mag-ama na inihalal ng taumbayan. Sapat ba ang paghingi ng sorry sa nagawang ito ng mga Garin. Dapat may makitang pagpaparusa sa nangyaring ito.