Sa ganitong mga panahon, talagang parami nang paparami ang illegal na operasyon o modus ng mga kawatan na bumibiktima sa marami nating kababayan.
Lalo na sa mga shoppers na talagang dumadayo sa mga iba’t ibang patok na lugar na siyang target na biktimahin ng mga kawatan na ito.
Simula sa mga abusadong taxi drivers na namimili at na-ngongontrata ng mga pasahero, nandyan din naman ang ilang mga manlolokong traders lalo na sa mga tiangge.
Isama pa rin dito ang modus sa mga bentahan online.
Marami sa ating mga kababayan ang dito na namimili, dahil short cut nga raw bukod sa walang pagod at abala, iwas trapik pa.
Pero dapat credible ang ka- online mo na nag -aalok ng mga produkto o goods. At siguruhin din na hindi peke ang iniaalok ng mga ito at hindi masasayang ang pera mo.
Sa mga tiangge naman, maraming sumbong din ang ating natatanggap tungkol sa mistulang ‘magician’ na vendors na agad na napapalitan ang perang ibinabayad ng kanilang mga kostumer.
May ilang naiabot na sa kanila ang bayad , aba’y dahil sa bilis ng kamay nang tumanggap at agad na naitago, ipipilit sa kostumer na wala pa itong inaabot.
Sa suklian naman, kunwari ay binibilang pa sa harap mo ang sukli, pero minamagic na pala pag-alis mo ayun kulang pala.
Madalas dito nagsisimula ang argumento na mauuwi sa matinding bangayan o away.
Mag-ingat din sa mga salisi, yung mga nag-aalok ng tulong para buhatin ang yong mga pinamili, huwag mong aalisin ito ng tingin , mabilis din ang mga ito na biglang nawawala tangay ang lahat ng yong pinamili.
Ingat sa mga mandurukot at salisi, kung pwede nga lang ang dala ninyong pera paghiwahiwalayin.
At dahil madalas din ang pagkain sa mga resto at fastfood, alam din yan ng mga kawatan kaya sila nandyan.
Isukbit sa inyong katawan ang mga dala ninyong gamit dahil baka hindi mo namamalayan nakalapit na sa iyo ang mga mokong na ito at nakuha na pala ang gamit mo.
Mabilis ang diskarte ng mga yan ,isang iglap lang kuha na nila ang kanilang pakay.
Kahit pa nga yata may CCTV sa lugar, mukhang sana’y na ang mga kawatan sa mga ito at hindi na sila napipigil nito para magsagawa ng kanilang modus.
At para nga mabigyang proteksyon ang publiko nasa 8,000 pulis ang ipapakalat ng NCRPO .
Ayon nga kay NCRPO chief, Director Guillermo Eleazar ikalalat ang mga pulis na ito sa mga estratihikong lugar sa Metro Manila para mabantayan ang ating mga kababayan.
Talagang lubhang kailangan ngayon sa ganitong mga panahon ang matinding pag-iingat nang hindi mahulog sa mga modus nang panloloko. Biguin ang mga kawatan, laging maging vigilant.