Mainit na balita ngayon ang tungkol sa umano’y pagsasampa ng kaso ng Philippine National Police at Department of Interior and Local Government sa teleseryeng “Ang Probinsiyano”.
Ayon sa DILG, masyadong masama na ang portrayal ng istorya sa mga pulis at pati na ang hepe ay sangkot na sa korapsiyon. Masyado nang negatibo ang dating lalo sa mga kabataan kaya nagbabalak silang magsampa ng kaso kung may nalabag sa batas. Kailangan daw, walang mapapanood na karahasan ang mga bata. Pinapansin din ng DILG ang maling pagsusuot ng uniporme ng mga pulis at mga insignia. Hindi raw dapat ginagamit ang mga ito sapagkat lalong pinabababa ang imahe ng pulisya.
Natural lamang na mag-react ang DILG at PNP sapagkat mga pulis ang nasa istorya. Anumang masamang gawin ng mga pulis sa istorya ay mapapanood ng mga bata at ang magiging tingin nila sa mga pulis ay masama. May katwiran naman sila rito. Masyado na nga namang nadudurog ang PNP. Pero kung titingnan ang istorya, di ba ang bidang lalaki sa “Probinsiyano” ay mabuti namang pulis na may magandang hangarin para sa ikabubuti ng sambayanan. Ibig sabihin, kung may masamang pulis, mayroon ding mabuti. Balanse naman ang lahat.
Hindi naman maikakaila na sa kasalukuyan, maraming pulis ang gumagawa nang hindi maganda gaya nang pagkakasangkot sa droga, kidnapping, hulidap at pangongotong.
Kamakailan lang, maraming pulis na may ranggong PO1 ang sangkot sa pangreryp ng menor de edad. Ginagahasa ang babae kapalit nang pagpapalaya sa inarestong suspek.
Sana maging bukas din ang isip ng PNP sa isyung ito.
Salamat.
--- NATHANIEL LAJOM, Roosevelt Avenue, Quezon City