MARAMING tao ang iniiwasan ang magbakasyon. Madalas, nagi-guilty sila kapag hindi sila nagtatrabaho. At sa hirap ng buhay ngayon, nao-overlook na natin ang pagbabakasyon. Pati nga ang Sabado’t Linggo o pati holiday, kung kinakailangan, ay ilalaan nang marami sa atin sa paghahanapbuhay. Ngayon nga na ang inflation rate ay mataas, mas lalong ‘di natin naiisip ang magbakasyon.
Pero alam n’yo bang maraming bentahe sa ating kalusugan ang pagbabakasyon? Yun pa lang na inaabangan na natin ang pagbabakasyon ay nagdudulot na ng magandang pakiramdam sa atin. Kapag sinabi sa ating pupunta tayo sa Baguio o sa Tagaytay, ‘di ba’t agad na tayong nagpaplano kung ano ang ating gagawin, o kung saan-saang lugar ang pupuntahan? Kahit ang paglilista ng mga babaunin ay nagpapaganda na ng ating pakiramdam.
Ang ginagawa nating paghihintay sa pagdating ng Pasko ay isa ring magandang praktis. Pinagaganda kasi nito ang ating pakiramdam. E, ano kung matrapik. E, ano kung magastos. Ito ang dahilan kung bakit may countdown na tayo sa paparating na Pasko at hindi ba, mas mainam sa pakiramdam yung nag-aanticipate pa lang tayo sa Kapaskuhan kaysa sa mismong araw ng Pasko?.
Ito ay sapagkat ibinababa nito ang level ng stress hormone na gaya ng “cortisol” sa ating katawan. Ang cortisol ding ito ang dahilan ng paglaki ng ating tiyan o ang pagkakaroon ng maraming belly fat. Ang pagbabang ito ng level ng cortisol ay nakatutulong upang manapanati-ling malusog ang ating puso. Sinasabi nga na parang mas iba ang dulot na saya nung inaabangan pa lang natin ang isang paparating na pagbabakasyon o paglalakbay, dito man sa ibang lugar sa Pilipinas o sa ibang bansa, kaysa sa mismong aktuwal na paglalakbay.
Hindi naman masama na kung matapos na natin ang isang pagbabakasyon ay muli tayong magplano para sa susunod na destinasyon.
Isang pag-aaral ang nagsiwalat na ang mga taong may panganib ng pagkakaroon ng sakit sa puso na naglalaan ng oras sa pagbabakasyon ay nababawasan ng 32 porsyento ang posibleng pagkamatay mula sa sakit sa puso o atake sa puso.
Siyempre, usapin din ito ng pera. Paano ang gagastusin sa mga ganitong pagbabakasyon o paglalakbay? Katwiran nang marami, hindi naman ito mura. Puwede itong pag-usapan ng mag-asawa o ng pamilya. May pananaliksik din na nagsabi na mas sumasaya ang pakiramdam natin kapag tayo’y naglalakbay/nagbabakasyon kaysa kung ginagasta natin ang ating pera sa mga bagay, appliances, at gadgets. Ang sabi, bagama’t sa simula’y nakapagpapasaya ito, kalaunan ay lumilipas din ito. Hindi kagaya nang kung inilaan mo ang iyong kinita sa isang magandang bakasyon kasama ang mga taong mahalaga sa iyo. Mabuti raw ito sa ating puso. At kung maraming heart-healthy benefits, mas posibleng humaba pa ang ating buhay.