EDITORYAL - Armadong grupo ng mga pulitiko, wasakin

ILANG buwan na lang at magsisimula na ang kampanya ng mga kandidato. Sa mga ganitong panahon sila nag-eempleyo ng kani-kanilang mga tauhan para maging malakas ang puwersa. Mas maraming tauhan, mas malaki ang posibilidad na maungusan ang kalaban. At kasama na sa kinakalap na tauhan ng ilang pulitiko ay mga grupo ng lalaki na kanilang inaarmasan. Kung may armadong grupo, hindi madedehado sa kalaban. Nakahanda kahit na magkaratratan. Ganitung-ganito ang senaryo noong dekada 70 at 80 na nagpapatayan ang bawat kampo ng mga magkakalabang pulitiko sa pagnanais na sila ang mamayani sa lugar. At maski ngayon, nangyayari pa rin ang ganito. Marami pa ring pulitiko ang nagmamantini ng private army para maprotektahan ang sarili at ang resulta, malalagim na patayan na nadadamay pa ang mga sibilyan.

Malaking hamon sa Philippine National Police (PNP) ang private armed groups (PAGs) sa bansa lalo sa mga lugar na itinuturing na “hot spots”. Ngayon pa lamang, dapat ay magsimula nang magsagawa ng pagmamanman ang PNP para matukoy ang mga pulitikong nagmamantini ng armadong grupo. Kung malalansag ang PAGs, makakatiyak na magiging matiwasay ang election sa susunod na taon.

Magkaroon ng puspusang kampanya ang PNP sa pagsamsam sa mga hindi lisensiyadong baril. Napakaraming loose firearms ngayon. Patunay ang walang tigil na pagsalakay ng riding-in-tandem na walang patumangga kung pumatay. Kung masasamsam ang mga baril, tiyak na wala nang mabubuong sariling hukbo ng mga sandatahan ang mga pulitiko. Siguruhin na walang makakalusot na baril.

Ang nangyaring masaker sa 58 tao sa Maguindanao noong Nob. 23, 2009 ay isang halimbawa nang pamamayagpag ng pulitikong may private army. Panahon din ng election nang mangyari ang masaker. Walang awang pinatay ang mga biktima na kinabibilangan ng 30 mamamahayag.

Isang paraan din para ganap na malansag ang PAGs ay ang pag-reshuffle sa mga pulis na nagiging “bata-bata” ng mga pulitiko. Ilipat ang mga pulis para hindi magamit ng mga pulitiko sa eleksiyon. Maging mapagmatyag ang PNP chief at baka ginagamit na ang mga pulis ng mga pulitiko para sa pansariling layunin.

Show comments