LANTARAN na ang tayaan ng jueteng ni alyas Mangga sa Lugar ni Albay Gov. Al Francis Bichara. Ayon kay kosang Edwin Balasa na taga Polangui hindi na nagtatago ang mga kubrador kung sila ay nagpapataya ng jueteng ni Mangga dahil alam nila na kumpleto ang kanilang lingguhang intelihensiya. Sa daming nagbabakasakali, kahit pangkain na lang ng pamilya ay tinataya pa sa jueteng at ganyan kalakas ang naturang sugal sa Albay, dagdag pa ni Balasa. Tatlong beses kung magbola ang jueteng ni Mangga kaya’t lupaypay ang mga mananaya bunga sa wala namang nananalo sa kanila. Maliwanag pa sa sikat ng araw na itong jueteng ni Mangga ay fund raising lang ni Bichara, di ba mga kosa? Kung sabagay, kataka-taka lang mga kosa kung bakit hindi maiangat ni Chief Supt. Arnel Escobal, director ng PRO5 sa Bicol ang kamay na bakal n’ya laban kay Mangga? Dahil kaya senior n’ya ito sa PNP? Maging sina Sr. Supt. Milo Pagtalunan, ang PNP provincial director ng Albay at Chief Insp. Ronnie Fabia, ang hepe ng CIDG sa probinsiya at tahimik na rin sa jueteng ni Mangga. Itong sina Pagtalunan at Fabia kaya ay naayos na rin nina Nympha, at alyas Mel, na kapwa empleyado ni Bichara. Hak hak hak! Weder-weder lang ‘yan!
Kung ang jueteng ni Mangga ay laganap na sa Albay, nagsarahan naman ang mga peryahan sa Central Luzon bunga sa pagbubulgar ni kosang Erwin Tulfo. Sa kanyang live streaming sa social media, tinuligsa ni Tulfo itong sina Interior Sec. Ed Año at Chief Supt. Amador Corpuz, ang director ng PRO3 police kaya’t hayun, halos isang linggo nang sarado ang mga peryahan sa Central Luzon, lalo na ang kay Ricky Quiroz na matatagpuan sa Subic, Olongapo at Pampanga. Hak hak hak! Akala ko ba untouchable itong si Quiroz eh sa social media pa lang lagapak na ‘sya, di ba kosang Erwin Sir? Kung sabagay hindi si Sec. Año ang tatamaan kapag patuloy ang operation nitong peryahan ni Quiroz at iba pa sa Central Luzon kundi itong si Gen. Corpuz, di ba mga kosa? Kasi nga, magreretiro na itong si Dir. Roel Obusan, ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Nobyembre at ang malakas na ugong na papalit sa kanya ay itong si COrpuz, di ba PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde Sir? Kapag hindi pinansin ni Corpuz itong pagbubulgar ni kosang Erwin, aba baka sa kangkungan ang bagsak ng una. Araguuuyyyy! Hindi naman kaila sa inyo mga kosa na itong si kosang Erwin ay bagyo ke Pres. Digong at sa katunayan halos linggo-linggo n’yang na-interbyu ito sa PTV4 kaya’t kapag naibulong nito si Corpuz aba may kalalagyan s’ya. Teka nga pala! Itong si kosang Erwin ay chairman of the board ng partylist na ACT-CIS sa darating na midterm election kaya’t dapat isulat natin sa balota ito para may kakampi ang mga inaapi at matuldukan na itong peryahan ni Quiroz at iba pa sa Central Luzon. Hak hak hak! Isumbong natin ang lahat ng katiwalian kay kosang Erwin, pati na ang jueteng ni Mangga sa Albay. Araguuyyyy! Get’s n’yo mga kosa?
Kung sabagay, itong si Pagtalunan at Fabia ay malapit nang matanggal sa puwesto kapag itinuloy ni ALbayalde ang plano n’ya na i-rigodon ang mga hepe ng probinsiya, siyudad at bayan sa buong bansa para hindi sila makihalo sa darating na election. Kasi nga mga kosa, ang argumento ni Albayalde, ang lahat ng hepe ng kapulisan ay nakasama na ang mga senador, congressman, gobernador, mayor at iba pang pulitiko kaya’t maaring bias sila dito. Kapag nai-rigodon sila, aba sa tingin ni Albayalde ay magiging peaceful at orderly itong May election bunga sa walang mga pulis na magsisilbing private army ng mga pulitiko. Sa totoo lang, nauna nang mag-implement ng rigodon itong si Chief Supt. Edwan Carranza, ang hepe ng Calabarzon police dahil nirepaso n’ya lahat ng hepe ng mga siyudad at bayan sa Batangas, Cavite, Laguna, Quezon at Rizal. Ang rigodon ay ipapatupad nitong katapusan ng buwan at buwenas itong si Corpuz kung maaga s’yang mapa-upo sa CIDG, di ba mga kosa? Hak hak hak! Naghahabol naman ng hininga na inireport ng kosa ko na malapit nang magbukas ang peryahan ni Quiroz at iba pa sa Central Luzon. Abangan!