ISANG customer ng isang restaurant sa North Carolina ang umorder lamang ng dalawang basong tubig bago siya nag-iwan ng $10,000 (katumbas ng P540,000) na tip at dali-daling lumabas.
Ayon kay Bret Oliverio, may-ari ng restaurant na Sup Dogs sa Greenville, North Carolina ay cash pa ang tip na ibinigay ng lalaki, na nag-iwan pa ng note na nagsabing “thanks for the delicious water.”
Hindi tuloy makapaniwala ang waitress na si Alaina Custer sa laki ng tip na iniwan nito.
Noong una ay hindi raw niya maubos-maisip ang pangyayari, ayon kay Custer nang kapanayamin ng isang lokal na pahayagan. Nang damputin daw niya ang ilan sa mga perang nasa tumpok ng salaping iniwan ng lalaki ay nalaman pa niyang tig-iisandaang dolyar ang mga ito. Inakala raw tuloy niyang may nagbibiro lang sa kanya.
Ayon kay Oliverio ay hindi kaagad napansin ng mga empleyado ng restaurant na kinukunan na pala sila ng video ng dalawang lalaking nakaupo sa isang kalapit na mesa.
Isa palang YouTube star na kilala sa bansag na Mr. Beast ang lalaking nag-iwan ng salapi at siya ang may pakana ng lahat. Pumuwesto ang dalawa niyang kakuntsaba upang makunan nila ang reaksyon ng masuwerteng waiter na mabibigyan nang napakalaking tip.
Bumalik rin si Mr. Beast, na kilala rin sa pangalang Jimmy, matapos ang ilang sandali upang makilala ang waitress na nagsilbi sa kanya.
Ipinaliwanag daw sa kanya ng grupo ang kanilang YouTube channel at kung paano sila nag-iikot sa iba’t ibang restaurants upang pasayahin ang araw ng mga waiter na nagsisilbi sa kanila, ayon kay Custer.
Lubos namang nagpapasalamat si Custer sa biyayang dumating sa kanya lalo na’t karamihan sa kanilang mga nagtatrabaho sa Sup Dogs ay mga working students kaya malaking bagay ang libo-libong tip na natanggap nila.
Paghahati-hatian daw ng lahat ng mga serbidor ng restaurant ang libo-libong tip kaya talagang marami ang natulungan ng Youtube star na si Mr. Beast.