KUNG sino pang mayaman, silang lalong yumayaman at ang mahirap mas lalong naghihirap. ‘Yan ang realidad at aktwalidad na makikita natin sa lansangan. Marami sa ating mga kababayan, naiiwan sa laylayan ng lipunan. Habang ‘yung iba, nagpapakasasa sa kayamanan.
Si April Bandiola, 23, ay nabubuhay sa pangangalakal. Bata pa lamang ay natuto nang magbanat ng buto. Magdamag na gising at kumakayod para buhayin ang tatlong taong gulang na anak pati na rin ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Umulan man o umaraw tuloy lang sa pangangalakal. Nag-aabang sa mga kumakain ng fishball para makuha at maibenta ang mga plastic cups na pinagkainan. Masuwerte na kung kumita sila ng P200 sa isang araw. Kung minalas-malas P75 lang.
Pati pagkain nila, pinupulot din sa basurahan. Pinapatos ‘yung mga pagpag na manok sa Mang Inasal, malamnan lamang ang kumakalam nilang tiyan. Hinihiwalay ‘yung buto-buto sa maari pang mapakinabangan. Kung minsan piniprito, kung minsan naman ay adobo ang pagkakaluto.
Marahil nakadidiri ito para sa ilan, ngunit ito ang hubo’t hubad na katotohanan. Ito lamang ang paraan na alam nila para kumita nang marangal at mabuhay.
Pero sa kabila ng hirap na kanilang pinagdaraanan, may mga tao pa ring nagagawa silang lokohin at samantalahin ang kanilang kahinaan.
Kuwento ni April, nagpaalam lang daw ang kanyang kinakasama na dadalhin ang anak niya sa dagat para lumangoy. Pero imbis na sa dagat, itinakas ng ama nito ang bata at napadpad sa Agusan Del Sur sa Mindanao.
Dahil dito humingi sila ng tulong sa Public Attorney’s Office (PAO). Sa pakikipag-ugnayan ng PAO sa PNP Bayugan, nakumpirma na nandoon nga ang bata.
Ang huli niyang impormasyon ay nasa pangangalaga na raw ng DSWD ang kanyang anak at walang tigil sa kakaiyak. Tanging hiling ng pobreng ina, mabawi ang kanyang panganay.
Nakausap namin sa ere si PO2 Tasha Mae Ocio ng PNP-WCPD sa Bayugan, Agusan Del Sur. Aniya, handa silang asistehan si April para mabawi ang kanyang anak.
Wala na ring puproblemahin sa pamasahe si April dahil sinagot na ito ng Philtranco Bus Company sa pangunguna ng kanilang financial officer na si Amador Condong.
Habang kami naman sa BITAG-Kilos Pronto ay hindi titigil hangga’t hindi nababawi ni April ang kanyang anak. Pangako naming tututukan ang kasong ito.