TULOY na ang pagbubukas ng bagong Boracay sa Oktubre 26. Nagkaroon na ng dry run noong nakaraang linggo at marami ang namangha sa bagong Boracay. Malayung-malayo sa dating Boracay na pinamugaran ng dumi dahil sa kapabayaan at pagka-iresponsable ng resort owners at maging ng local na pamahalaan ng Aklan. Ngayon, dahil sa bagong anyo ng Boracay, maaaring dumami ang bibisitang turista. Masisiyahan na sila sa malinis at mabangong Boracay.
Isinara ang Boracay noong Abril 26 para isailalim sa rehabilitasyon at paglilinis. Si President Duterte mismo ang nag-utos na isara ang island resort na tinawag niyang “cesspool”. Ang “cesspool” ay ka-singkahulugan ng poso negro. Mai-imagine kung gaano karumi ang karagatan ng isla na naihalintulad sa poso-negro. Sa paglalarawan ng Presidente, talagang napakarumi ng isla na dapat lamang isara at linisin. Nasalaula talaga ang isa sa pinakamagandang resort sa mundo.
Dahil sa pagsasara, nawalan ang bansa ng humigit kumulang P56 bilyon sa anim na buwan na pagkakasara. Marami ring residente ang nawalan ng hanapbuhay. Tinatayang may 46,829 residente ang isla.
Isang matalinong desisyon ang pagsasara sa Boracay para linisin. Mabuti at ang Presidente na ang nagdesisyon na isara ang Boracay. Hindi kumikilos ang DENR at mas lalo naman ang local government unit ng Aklan na nakakasakop sa Boracay. Pawang pagkita sa pera ang iniisip ng mga pinuno. Sila mismo ay hindi nakita o naamoy ang umaalingasaw na baho na nagmumula sa establishments. Ang mga dumi ng establishments ay pinadadaloy sa dagat kung saan naliligo ang mga turista.
Malaki ang nawala sa pamahalaan dahil sa pagsasara pero maari pa itong kitain dahil mas maganda at bago na ang Boracay ngayon. Mas mainam na nawalan ng kita sa loob ng anim na buwan kaysa naman hayaan na masira ito. Ang pagkakasara ng Boracay ay dapat maging leksiyon na sa mga iresponsableng may-ari ng establishments. Ipagpatuloy naman ang paghihigpit sa bawat bibisita na huwag magkakalat ng dumi. Ipairal ang citizens arrest sa mga magtatapon ng basura. Ito ang nararapat para mapanatili ang kalinisan.