ANG apdo (gallbladder), ay isang organ na nakadugtong sa ating sikmura/bituka na tumutulong sa paglusaw ng taba sa pagkain. Naglalabas ito ng likidong “bile” na tumutulong sa fat digestion.
Kahit na may namuong mga bato sa loob ng apdo, madalas ay wala pa ring sintomang nararamdaman ang isang tao. Kahit na nga taon na ang lumipas, wala pa ring sintoma hangga’t nananatili sa loob ng apdo ang cholesterol at bilirubin stones.
Tinatayang 80% ng kaso ng gallstones ay walang kaakibat na sintoma. Pero huwag ipagkamaling walang mararamdamang kirot ang taong may bato sa apdo.
Nagsisimulang makaramdam ng pangingirot kapag nakaalpas mula sa apdo ang mga bato patungo sa cystic duct, common bile duct, at ampulla of Vater at mabarahan ang naturang daanan. Kapag nangyari ang pagbabara, mamamaga na ang apdo at makakaramdam na ng kakaibang sakit na kung tawagin ay “biliary colic.”
Mararamdaman ito sa gawing kanang itaas, sa dakong ilalim ng tadyang. Pero minsan, hindi mo rin maituro kung saan ang eksaktong lugar na may nananakit.
Tumitindi ang atake ng kirot sa loob ng 15 minuto hanggang isang oras, at nananatiling may discomfort sa loob ng 12 oras. Ito yung kirot na maaaring kakailanganing pumunta sa ospital ang pasyente para maginhawahan. Nakakaramdam din ang pasyente na parang naduduwal o aktuwal na nagsusuka.
Marami ang nagsasabi na kapag kumain ng mamantikang pagkain, tiyak na makakaramdam ng pangingirot na kung tawagin ay “biliary colic.” Pero hindi totoong ang mamantikang pagkain ang sanhi nito. Katunayan, ang pagkain ng heavy meal ang nagbibigay-daan sa biliary colic. Hindi nagdudulot ng pakiramdam na bloated ang bato sa apdo. Ang pakiramdam na naduduwal ay sanhi ng biliary colic. Kusa namang humuhupa ang kirot na dala ng biliary colic pero puwedeng magpabalik-balik.