MISTULANG karnabal na naman ang paligid ng bansa sa rami ng mga paanunsiyo ng libreng benepisyo handog ng mga tatakbong kandidato na nagkukunwaring mga pilantropo. Dadalawin nila ang mga depressed areas na dating kinaiinisan at iniiwasan dahil karamihan sa mga ito ang mga nanghihingi ng tulong pangpinansyal na ang iba ay ginagawa na itong bisyo. May mga nakahanda na itong mga reseta at solicitation letters para sa kani-kanilang pakulo. Kinaba-baliwan naman ito ng mga kandidato ngayon, hahaha!
Handlers ng kandidato, mga peligroso
Sa likod ng mga kandidato ay may namumuhunan at pinagtutubuan nila ito kapag nakaposisyon na sila, kaya maging ang ilang matitinong kandidato ay pikit-matang nakakagawa ng kabulastugan sa kanilang panunungkulan hanggang maging katulad na rin ng handlers nilang palpak. Papaano kung iligalista ang mga nakapusta sa kanila? Nakupo!
Tayo ang boss ngayon, busabos pagkalipas ng eleksiyon
Marami, kundi man lahat ay nag-aambisyon na maluklok sa mataas na posisyon sa gobyerno hindi upang magsilbi, manapa’y maging amo ng kanilang nasasakupan. Bossing nila ang mga botante sa panahon ng eleksyon at busabos naman ang dating kapag nakaupo na sa trono. Totoo, di ba?
Mas maraming mahirap, mas madaling mangurap
Ang kasabihan na “sinumang nagigipit kahit sa patalim ay kakapit” ay talagang nangyayari saan mang sulok ng bayan na pinamumugaran ng kahirapan, kaya dito naman sumusugod ang mga mayayamang kandidato para maghatid ng kanilang plastic na biyayang handog. May mga cheering squad pang kasama at ang cheer leader ay barangay officials pa, hahaha!
Kung walang magpapaloko, titino ang gobyerno!
Mahahalata naman sa mga talumpati ng mga kandidato kung pinagpraktisan nila ito dahil punto por punto ang korte nito at napakaraming abaloryo. Ang importante ay alamin muna ang tunay na pagkatao ng isang kandidato bago tayo maloko. Baka sa tarpaulin lang marunong ngumiti ang mga yan, hahaha!