EDITORYAL - Mataas na bilihin, dahilan sa pagbulusok ng rating

SEVENTY FIVE percent ang rating ngayon ni President Duterte mula sa dating 88 percent. Ayon sa Pulse Asia Survey, ito ang pinakamababang trust rating ng Presidente mula Setyembre 2016. Ang survey ay ginawa noong Setyembre 1-7. Nang mga petsa ring iyon inihayag na pumalo sa 6.4 percent ang inflation rate noong Agosto. Pinakamataas umano sa nakalipas na siyam na taon.

Walang kaduda-duda na ang pagbaba ng trust approval ng Presidente ay malaki ang kaugnayan sa pagtaas ng mga bilihin na naramdaman noon pang Enero 2018. Unang naramdaman ang pagtaas ng presyo ng bigas. Kasunod ay ang pagtaas ng iba pang pangunahing pangangailangan gaya ng sardinas, asukal, mantika, at iba pa.

Nang sunud-sunod ang naging pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at kerosene, lalo pang tumaas ang presyo ng mga produkto. Hinila ng pagtaas ng gasolina ang mga pangunahing pangangailangan. Mula Agosto hanggang sa kasalukuyan, nakakapitong pagtataas na ang gasolina at diesel. Linggu-linggo na ang pagtataas at walang ginagawang hakbang ang pamahalaan ukol dito. Sa kasalukuyan, umaabot na sa P57 ang bawat litro ng gasolina. Ayon naman sa oil companies, mataas ang presyo ng crude oil sa pandaigdigang pamilihan.

Walang magawa ang pamahalaan kung paano sosolusyunan ang pagtaas ng bilihin at iba pang pangangailangan. Sabi ng Presidente kamakailan, walang ibang dapat sisihin sa pagtaas ng bilihin kundi ang pagtaas ng presyo ng gasolina. Bago ito, sinisi na rin ng Presidente si US President Donald Trump. Ito raw ang dahilan kaya tumaas ang inflation rate.

May ginagawa bang aksiyon ang pamahalaan para mapababa ang presyo ng bilihin? Isa sa maaaring gawin ay ang pagsuspende sa excise tax sa petroleum products. Dahil sa ipinapataw na buwis sa petrolyo kaya mataas ang presyo ng gasolina’t diesel. Sa darating na Martes, mayroon na namang pagtaas ng gasolina. Kailangang magpasya ang pamahalaan kung isususpende ang tax sa petroleum products para mapigilan ang pagtaas ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng bigas, sardinas, mantika, isda, asukal at pati singil sa tubig, kuryente at pamasahe.

Show comments