Eksperimento

NAIKUWENTO ng isa kong kaibigan kamakailan ang pagkasira ng charger ng kanyang laptop na Macbook.  Pangsiyam na beses na anyang nasira iyon na bagaman hindi niya nilinaw ay maaaring mahinuhang ilang beses na rin niyang naipakumpuni o napalitan.

Sa halip na bumili ng bagong charger, naisipan niyang mag-eksperimento. Merong isang lumang HP laptop ang isa niyang anak na babae na sira na at hindi na magawa pero gumagana pa rin ang charger nito. Dinala niya ang charger nito sa isang electronic repair shop  at ipinalipat niya rito ang L-type connector ng sirang charger ng kanyang Macbook.  Sa kabutihang palad, bigla siyang nagkaroon ng bagong charger na matibay na, tatagal pa.  Sabi niya, hindi na niya kailangan ang extension cord. Ang halaga ng eksperimento niya? “Sabi ng repairman, bahala na raw ako. Binigyan ko siya ng P100,” kuwento pa niya.

Sabi pa niya, mula nang bumili siya ng Mac, noong 2011, mahigit isang dosena nang charger ang nabili niya. Napalitan na rin noong nakaraang taon ang baterya ng laptop.

“Sa totoo lang, gustong-gusto ko nang bumili ng bago kaso nanghihinayang ako dahil gumagana pang mabuti ang laptop, napakaganda pa ng screen (Wala ako magustuhan sa mga non-Mac unit at napakagaling ng keyboard (kahit burado na ang ibang keys) kaya okay lang na mag-eksperimento ako rito. Pero hindi ko ito gagawin sa isang bagong Macbook,” dagdag niya. 

Kung tutuusin, hindi lang basta eksperimento ang ginawa niya.  Isa rin iyong halimbawa ng pag-recycle sa mga gadget lalo na doon sa mga luma nang kagamitan. Sa halip na madagdag sa mga tambakan ng basura at problema sa kapaligiran,  hangga’t maaari ay maipagawa na lang hangga’t maaari para magamit muli ang mga nasisira at mga lumang gadget tulad ng desktop computer, laptop, tablet, smartphone at iba pa. Kung maaari pang makumpuni ang mga sirang kagamitan, hindi kailangang itapon.

Show comments