MAHALAGA ang regular na pagpapatrulya ng mga pulis sa kalsada lalo na sa gabi. Napipigilan at nababawasan ang mga krimen kung may mga pulis na nagroronda. Kung laging may nagpapatrulya, mabilis na mahuhuli ang mga criminal. Iglap lang, dakma agad o kung lumalaban, tigok agad. Kung may nakikitang pulis sa kalye, magdadalawang isip ang mga masasamang loob. Napaka-epektibo ng police visibility lalo sa panahong ito na wala nang kinasisindakan ang mga kriminal.
Isa sa patunay na mahalaga ang regular na pagpapatrol ng mga pulis sa gabi ay ang nangyari sa Bgy. Payatas noong nakaraang Miyerkules, dakong 11:30 ng gabi. Ayon sa report, nagpapatrol ang mga pulis mula sa QCPD-Station 6 sa Payatas Road nang makatanggap sila ng report na isang babae ang kinidnap ng dalawang lalaking naka-motorsiklo sa Legaspi St., Barangay Payatas B. Agad rumesponde ang mga pulis.
Habang palapit sila sa lugar, isang babae na wala nang pang-itaas na damit ang kanilang nasalubong at humihingi ng tulong. Agad silang tumigil para isakay sa patrol car ang babae. Sabi ng babae, dalawang lalaki ang humahabol sa kanya. Hinoldap umano siya ng mga ito at isinakay sa motorsiklo at dinala sa damuhan at saka sinimulang gahasain. Ayon sa babae, halatang mga addict ang dalawa. Nagawa niyang makatakas sa mga ito.
Hinanap ng mga pulis ang dalawang holdaper-rapist. Nang makita, bumunot ng baril ang mga holdaper at nakipagbarilan. Bumulagta sa damuhan ang mga holdaper na pawang nasa edad 20. Dalawang kalibre 38 na baril ang nakuha sa mga ito. May nakuha ring mga sachet ng shabu.
Ganito ang inaasahan ng mamamayan sa mga pulis. Yung madaling nakakaresponde sa oras ng pangangailangan. Kung hindi nagpapatrulya ang mga pulis sa Payatas ng oras na iyon, maaaring nagahasa at pinatay na ang kawawang babae. Kapuri-puri ang ginawa ng mga pulis na agad naibigay ang nararapat sa mga criminal. Sana, laging ganito ang gawin nila para mapanatag ang mamamayan. Kung laging makakaresponde at mabibigyan ng seguridad ang mamamayan, babalik na ang tiwala sa kanila. Hindi na matatakot.