MARAMI sa mamamayan ang walang alam sa federal system of government. Zero pa ang nakararami ukol dito. Kaya hindi kataka-taka kung 67 porsiyento ng mamamayan ay tanggihan ang isinusulong na pagbabago ng Konstitusyon patungo sa federalism. Hindi nila alam kaya hindi maaaring isubo sa kanila nang karaka-karaka ang inihandang pagkain. Mahirap pilitin na pakainin ang mamamayan sa pagkaing hindi nila alam kung paano inihanda at paano niluto.
Hindi dapat madaliin ang pagpapalit ng Konstitusyon sa panahong ito. Kailangang dumaan muna sa maraming pag-aaral, pag-aanalisa at pagsisiyasat ang iniaalok na sistema. Marami ring tanong ang dapat sagutin bago ito isubo.
Kung mapalitan ba ng federal system ang kasalukuyang sistema, uunlad ba ang buhay ng mamamayan? Sa anong paraan makakakuha ng mabuting serbisyo ang mamamayan kapag naging federal? Sa paghingi ng hustisya, sigurado bang mabilis na gagalaw ang batas? Mawawala ba ang angkan-angkang pamamayani ng pulitiko kapag federal o mas lalo pang lulubha? Tiyak bang walang magrerebelde kapag hinati-hati na sa bawat rehiyon ang bansa? Masisiguro bang walang rehiyon na hihiwalay kapag naging federal?
Marami pang katanungan ukol sa pagpapalit ng sistemang pulitikal kaya nararapat ang puspusang pag-aaral ukol dito. Kung hindi masasagot nang malinaw ang mga katanungan lalo na ang tungkol sa isyu ng kadahupan ng buhay ng mamamayan, hindi dapat matuloy ang pagpapalit ng Konstitusyon.
Kailangang maipaalam o maipabatid nang malinaw sa mamamayan ang draft ng bagong Konstitusyon. Isalin sa Tagalog para maunawaan ng mga mahihirap. Kapag hindi ito ginawa at nagkasya na lamang sa walang kabuluhang pakikipag-argumento, hindi ito papasa sa mamamayan. Nararapat na ma-educate muna ang nakararami bago maisakatuparan ang bagong sistema ng pamahalaan. Kapag ganap nang na-educate ang masa, saka pa lamang mag-umpisa.