Bakit ang campus crush noon ay pangit na ngayon?

ITO ang hashtag ng isang post sa social media. Private page ito ng isang batch mula sa isang eskuwelahan sa high school. Sa sobrang dami ng nag-share, kumalat na ito sa mga taong wala nang kinalaman sa batch na iyon.

Wala naman silang tinutukoy na pangalan pero halatang babae ang pinag-uusapan nila na noong high school sila ay kinababaliwan ng mga lalaki. Sa sobrang lakas ng sex appeal, nagkatampuhan ang mag-bestfriend dahil iisa pala ang girl na type nilang pormahan. Nagtapos sila ng high school na hindi na nagkabati. Ang nakakatawa, parehong nabigo ang dating magkaibigan dahil  pareho silang  pangit.

Si Ate Girl ngayon, ayon sa takbo ng kuwentuhan ay may dalawang anak at hiwalay sa asawa. Nagkaroon tuloy ng iisang konklusyon ang ka-batch ni Ate Girl, na ito ang dahilan kung bakit losyang na losyang na ito. Parang “nasalanta ng bagyo”,  hindi na raw makuhang ayusin ang sarili dahil trabahong kalabaw ang ginagawa para mabuhay  ang dalawa nitong anak.

Tapos napag-usapan nila ang isa sa magkaibigang pangit. Pogi na raw ang isa ngayon. Sa abroad nagtatrabaho at mapera na. Nag-comment ang isa, na sa daming available cosmetics na pampaganda, at magagaling na mga doktor na espesyalista sa pagpapaganda, mga walang pera na lang ang pangit ngayon.

Minsan may narinig akong nag-uusap na dating magkaklase sa high school. Pareho silang lalaki at 50 plus na ang edad nila. Friends sila sa Facebook at litrato ng mga kaklase sa Facebook ang kanilang pinag-uusapan.

Lalaki 1: Bakit parang ginusot na ang mukha ni Emma ngayon?

Lalaki 2: (napatawa) Anong gusot?

Lalaki 1: Maraming wrinkles. Nagulat ako nang makita ang litrato niya sa Facebook. Aba, hindi mo papaniwalaang noong araw ay laging muse siya ng ating section. Halos tayong lahat noon ay may crush sa kanya.

Lalaki 2: Pare hirap yata ang buhay. Maagang nag-asawa kaya hindi nakatapos sa pag-aaral.

Lalaki 1: Ang isa pang tumanda ang hitsura na mukha nang Lola ay si Joy. At bungal pa! Bakit kaya hindi magpapustiso? Anong nangyayari sa mga kaklase nating mga ligawin noong araw? Hindi ko makakalimutan na tatlo kaming nagkasabay-sabay na gustong mangharana sa kanya.

Lalaki 2: Hindi yata sinuwerte sa marriage life. Problemado lagi. Buti pa ‘yung hindi natin pansin ang beauty noon, sila ang magaganda ngayon. Umatend ka sana ng reunion natin noong December. Ang laki ng iginanda ni Kristina. Aba, hindi halatang 55 na. Parang 30 plus lang. Chef daw siya sa isang Italian restaurant. Sosyal na sosyal ngayon.

Ngumiti lang ang Lalaki 1. May panghihinayang siyang nadama. Si Kristina ang una niyang girlfriend pero iniwan niya nang sinagot siya ni Joy.

 

 

 

Show comments