Sa mga nakalipas na linggo nagkasunud-sunod ang pagkamatay ng ilang mga bilanggo sa iba’t ibang piitan.
Sinasabing ang nagiging dahilan ay ang siksikan at mainit na bilangguan kung saan marami sa mga bilanggo ang nagkakahawaan ng sakit at ang iba naman ay hindi na kinakaya ang kondisyon sa loob.
Hindi naman maitatatwa na patuloy na nagiging miserable ang mga kulungan sa bansa.
Aminado maging ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay nagsasabing lalong lumolobo ang bilang ng mga bilanggo sa iba’t ibang piitan na talagang halos wala nang paglagyan.
Maging ang mga detention cell sa ibat-ibang presinto o himpilan ng pulisya, halos ganito rin ang tanawin, halos hindi na nakakahiga ang mga bilanggo.
Natutulog na lamang ng nakaupo dahil minsan hindi lang doble , natitriple pa nga madalas ang bilang ng mga preso sa itinakdang bilang ng laki ng piitan.
Bukod nga sa nakadagdag sa pagdami ng bilanggo ang drug war ng pamahalaan, isa pang dahilan sa paglobo ng mga bilangguan ay dahil sa mabagal na paglilitis sa mga kaso .
Minsan kahit maliit na kaso ay hindi agad nadidinig, kung baga yung pinanatili nila sa piitan sobra-sobra pa sa sentensya sa kanila sa maliit na kaso na kanilang kinasangkutan.
Yung iba naman umano ay dahil sa walang pampiyansa kaya ayun, padagdag nang padagdag sa loob.
Hangad nga ng BJMP na makapagpatayo ng mga gusaling piitan para maibsan ang pagsisikip ng mga bilanggo kaya nga lang ang nagiging problema dito eh pondo.
Kailangan na marahil dito nang pag-aksyon ng pamahalaan . Baka naman wala ngang death penalty sa bansa, eh sa piitan pa lang magkaubos na ang preso dahil sa mga masamang kondisyon dito.
Isipin na ni hindi pa nga nasesentensiyahan ang karamihan sa mga ito na naghihintay pa sa mga pagdinig sa kanilang kaso.
Naku lalu pa itong dadami dahil sa kampanya laban sa mga ‘tambay’ o yaong mga lumalabag sa mga city ordinance.
Baka nga may sumunod pa rito, lalo nang lolobo ang mga selda.