Ngayong nalalapit na naman ang pagbubukas ng klase sa buong bansa, isa sa labis na pinangangambahan ng mga magulang tuwing school opening ay ang panganib o banta ng mga fraternities sa loob ng mga paaralan.
Kapag ganito kasing nagbubukas ang school year, dito paspa-san ang ginagawang pagre-recruit ng mga fraternities at sororities.
Lalo na nga yung mga freshman na kanilang inaalok ng brotherhood daw (pero kailangang saktan) para sa kanilang grupo sumapi.
Nagpaparami kasi ng bilang ang mga ito, yung iba nilang nire-recruit kahit ayaw sumali, may ilan na tinatakot, kaya napipilitan kahit hindi bukal sa loob, ‘wag lang ibully o pagkaisahan.
Hindi nga ba’t ganyan ang lumitaw sa isinagawang mga pagdinig sa kaso ni Horacio “Atio” Castillo na namatay sa hazing ng sinalihang Aegis Juris fraternity sa UST.
Maraming insidente na hindi naman nasusubaybayan ng mga paaralan ang kilos o galaw o mga aktibidades ng mga fraternity kaya nga may nangyayaring kagaya ng kay Atio at iba pang biktima ng malagim na hazing.
Kamakalawa lamang ibinawal ng UST ang mga fraternities o sororities sa unibersidad kasama na ang lahat ng mga aktibidades nito sa pagsisimula ng klase sa darating Agosto.
Ito umano ay para mabigyang proteksyon ang mga mag-aaral at huwag nang maulit ang nangyari kay Atio.
Inaasahan namang may mga pag-aksyon na ring gagawin ang iba pang paaralan at kung paano nila masusubaybayan ang mga galaw ng ganitong mga frat. Dapat may matindi na rin silang babala sa mga madadawit sa hazing.
Sa mga mag-aarala naman, tigilan na ang ganyang pagsasakitan, magbigay na ng leksyon ang nangyari sa ilan.
Ang 10 miyembro ng Aegis Juris na dawit sa Atio hazing, ayun inilipat na sa Manila City jail.
Mistulang nasira na ang mga pangarap ng mga ito na imbes na nasa eskuwelahan, nasa piitan. Lubhang napakasakit din nito sa kanilang mga magulang.
Huwag na sanang maulit pa ang isang insidente gaya ng kay Atio at iba pang biktima ng hazing bago tuluyang kumilos at umaksyon sa ganitong gawi ng frat.
Matinding pagmomonitor o pagsubaybay ang kinakailangan.