PINATUNAYAN ng 61-anyos na si Dave Holleran na isang numero lamang ang kanyang edad matapos niyang magawang kumpletuhin ang pinakamahabang solo obstacle course sa buong mundo.
Limandaang kilometro ang kabuuang haba ng tinakbo ni Holleran at kinailangan niyang lampasan ang nasa 1,000 mga obstacles katulad ng paggapang sa putik, pag-akyat sa mga pader at bakuran, at pagbubuhat ng mabibigat na bagay tulad ng gulong at weights.
Inabot ang taga-Queensland na si Holleran ng 10 araw bago niya natapos ang obstacle course. Sa loob ng panahong iyon ay nagkasya si Holleran sa 4 lang na oras na tulog kada gabi.
Sa kabila ng matinding pagod at ng mga sugat at pasa na kanyang natamo ay nasa magandang disposisyon pa rin si Holleran nang makumpleto niya ang obstacle course at makapagtala ng bagong world record.
Hindi ito ang unang world record ni Holleran dahil mayroon na siyang 40 na iba pang mga world record titles na karamihan ay may kinalaman sa ultra marathon.