Talagang ramdam na ang matinding init ng panahon sa kasalukuyan.
Eto ngayon, nakadagdag ang matinding init ng panahon sa kalbaryo lalu na ng mga motorista.
Kasi nga mainit na panahon at matinding trapik, kapag pinagsama sa gitna ng kalsada, lagot init ng ulo ang dala.
Sa ganitong panahon, dito na madalas na maitala ang mga road rage incident o bangayan ng motorista sa kapwa motorista, o kaya ay motorista sa mga traffic enforcers.
Ito ang dapat na maingatan, laging magbaon ng mahinahong pag-iisip, kung kaunting diprensya lang, huwag nang palalain o patulan para makaiwas sa aberya at mga kaguluhan.
Lalu na nga ngayon na mas dobleng trapik ang mararanasan kahit nakabakasyon na ang eskuwela dahil sa mga konstruksyon na isinasagawa sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program ng pamahalaan.
Ok lang naman ito, long term project pero malaki ang maitutulong nito para sa kaginhawaan ng riding public.
Ang nagiging problema lang dito, ay yung ibang balatubang kontraktor na kung ikalat ang kanilang mga gamit parang nabili na nila ang daan.
Ang ilan naman trabahong pagong ang style, parang ang alam lang eh maghukay saka iiwang nakatiwangwang nang napakatagal.
Ito ang mga nakakainis walang pakiaalam sa mapeperwisyong kapwa, dapat sa mga ito bigyan din na karampatang parusa nang magtanda. Isa pa ang mga ito sa nakapag-iinit ng ulo sa mga lansangan na dapat na ring kalusin.