ISANG kamera na gawa ng kompanyang Leica noon pang 1923 ang nabili sa halagang $2.9 million dollars (katumbas ng P150 milyon) kaya kinikilala na ito bilang pinakamahal na kamera sa buong mundo.
Sa isang auction sa Vienna, Austria ipinasubasta ang kamera, na nasa 400,000 euros lang ang presyo noong una.
Lumobo sa milyon-milyon ang presyo nito dahil isa ang kamera sa mga pinakaunang ginawa ng Leica bago pa opisyal na nagbenta sa publiko ang kompanya.
Pinag-agawan din ang kamera dahil sa maayos na kondisyon nito.
Sa huli ay napunta sa isang Asian bidder ang kamera, na isa na lang sa tatlong natitira sa mundo mula sa pinakaunang batch ng kamera na ginawa ng Leica.
Isa ring 1923 Leica ang dating pinakamahal na kamera sa mundo. Naibenta ang kamera sa halagang $2.65 million noong 2012.