NOONG 2016 pa nag-deploy ng Special Action Force (SAF) sa New Bilibid Prisons (NBP). Nawala na kasi ng tiwala sa NBP guards na hayagan ang pagka-corrupt. Kung anu-ano na ang ipinapasok sa loob ng bilangguan --- cell phone, baril, patalim, at shabu. Inalis ang mga corrupt na guard at ipinalit ang SAF. Mabangung-mabango ang SAF sapagkat kapapangyari pa lamang ng Mamasapano massacre kung saan 44 na SAF ang minasaker ng MILF at BIFF sa isang maisan. Nasukol ang SAF at hindi natulungan ng Armed Forces of the Philippines. Naganap ang masaker noong Nob. 23, 2015.
Anang mga opisyal sa Bureau of Corrections (BuCor) noon, kailangan sa Bilibid ay matigas ang mga kamao para malabanan ang mga salot na drug traffickers. Hindi umano uubra ang drug lords sa NBP kung SAF ang magbabantay. Hindi na makapagpapalusot ng shabu at iba pang bawal na gamit. Pero sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), patuloy pa rin ang drug trade sa NBP. At may bago nang grupo ng drug traders sa loob. Mga bagong mukha na ang nagpapatakbo ng drug business.
Pero positibo si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na hindi sisirain ng SAF ang kanilang pangalan habang sila ang bantay sa NBP. Noong nakaraang linggo, siya mismo ang naghatid sa bagong batch ng SAF members na magbabantay sa Bilibid. Sabi niya sa SAF, huwag siyang ipapahiya ng mga ito. Malakas ang paniwala ni Dela Rosa na hindi masasangkot sa masamang gawin ang bagong tropa ng SAF.
Kilalang disiplinado ang SAF at ipinagmamalaki ng PNP. Karamihan sa mga dinala sa Bilibid para magbantay ay mga SAF na napalaban sa Marawi noong nakaraang taon. Subok na aniya ang tibay ng SAF at hindi magigiba kahit nang sino pang makapangyarihang drug lord nasa Bilibid.
Sana nga hindi madungisan ang SAF. Sana hindi sila kainin ng sistema. Sana hindi sila matukso sa kinang ng pera na iaalok ng drug lord. Hindi sana sila makorap gaya ng mga naunang bantay sa pambansang bilangguan. Tulungan nilang wasakin ang drug trade sa loob.