‘Amang nakalimot’

(Editor’s note: Sa mga mahal naming mambabasa, ito na po ang huling kolumn ng paborito n’yong kolumnista na si Mr. Tony Calvento.  Sumakabilang-buhay siya kahapon. Nagsimula siyang magkolum sa PM noong 2003 at nang sumunod na taon, nagsulat din siya sa Pilipino Star NGAYON na may katulad ding title -- Calvento Files. Ang staff ng PM at PSN ay nakikidalamhati at nakikiramay sa Calvento Family).

* * *

KAPAG magulang ka na una mong iniisip ay ang kapa-kanan ng iyong mga anak ngunit sa karanasan ng isang ina ay inabandona na lamang sila ng kanyang asawa.

Tubong Bicol ang humihingi sa amin ng payo na si Margie na may dulong numero na 7372.

Kwento ni Margie kasal sila ng kanyang mister at sumama daw sa ibang babae. May lima silang anak at kahit piso ay wala itong ibinibigay na sustento.

Labing siyam na taong gulang ang kanilang panganay habang siyam na taong gulang pa lamang ang kanilang bunso.

“Taong 2015 pa nang huli siyang magbigay ng sustento. Namamasukan ako bilang katulong dito sa Manila kaya iniwan ko muna ang mga anak ko kahit hindi dapat,” ayon kay Margie.

Kailangan niyang kumayod ng husto para mapakain at mapag-aral niya ang lima nilang anak.

Ang tanging gusto lang malaman ni Margie ay ang proseso kung paano siya makakahingi ng sustento sa kanyang mister gayung may iba na itong pamilya.

Kahit na may iniinda siyang sakit ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtatrabaho dahil iniisip niya ang kapakanan ng kanyang mga anak.

“Sa ngayon ay hindi ko alam ang eksaktong address  pero may nakapagsabi na sa akin kung saan sila nakatira ng babae niya,” sabi ni Margie.

Ang alam niya ay address ng kanyang biyenan dahil kapitbahay lang nila ito sa Bicol. Wala din daw impormasyon ang kanyang biyenan kung saan nakatira ang kanyang mister dahil wala na daw silang komunikasyon.

 “Sinubukan na din naming hanapin siya sa Facebook pero wala pa rin po,” ayon kay Margie.

Hindi na din daw makatulong sa pagsuporta ang kanyang mga biyenan dahil matatanda na ang mga ito.

Unang kailangan ni Margie ay alamin kung ano ang address ng kanyang mister para makapagsampa siya ng kaukulang kaso.

Kapag alam niya na ang address nito magpunta siya sa Public Attorney’s Office (PAO). Kasong RA 9262 ang maaari niyang isampa sa kanyang asawa dahil sa pag-aabandona nito sa kanila.

Kung gugustuhin naman niyang kasuhan ito dahil sa pambababae ay maaari siyang magsampa ng ‘Concubinage’ kailangan lamang niya ng patunay na nagsasama ang mga ito sa iisang bubong.

Show comments