KINOKONDENA ng Simbahan ang nangyayaring pagkakapatay sa mga mahihirap at mga bata ngunit wala naman silang ginagawang hakbang para matigil ang ganitong pangyayari, ito ang pahayag ni Presidente Rodrigo Duterte.
Ilang beses nang nagpasaringan ang Simbahan at si Presidente Duterte sa mga isyu sa bansa ngunit kaiba ngayon ang hamon ng Presidente sa Simbahang Katolika.
Ayon sa kanya magbibigay siya ng listahan sa mga ito at hiniling niyang kausapin ng mga ito ang mga taong sangkot sa bentahan ng iligal na droga sa bansa.
Hindi niya mapagkakatiwalaan ang mga opisyal ng barangay dahil halos kalahati ng kanilang bilang ay sangkot sa gawaing ito.
Dapat ding makausap ng mga Pari at ilang kinatawan ng Simbahan ang mga Kapitan at tanod ng barangay nang sa ganun ay mapagsabihan sila na malalagay lamang sila sa delikadong posisyon kung ipagpapatuloy nila ang gawain nilang ito.
Lahat tayo hindi gusto na may madamay na mga bata. Nilinaw ng Presidente na kahit na mahigpit ang kanyang utos na sugpuin ang iligal na droga sa bansa ay hindi niya iniutos na pumatay ng mga suspek.
Kung sakaling may makapagpatunay na ito ang kanyang direktiba ay handa siyang magbitiw sa kanyang posisyon bilang Pangulo ng bansa.
Magandang bagay din ito na ang Simbahan ay makatulong at masubukang magabayan ang mga sangkot sa bentahan ng droga. Hindi man natin nasisiguro na sumunod sila ay wala namang masama kung subukan na mahikayat silang magbago ng landas na tinatahak.
Ang lahat ng problema kapag sama-sama at tulung-tulong na inaaksyonan at hindi puro banggaan at bangayan lang ay mas malaki ang posibilidad na masolusyonan ito.
Lahat tayo gusto nating mawala ang lahat ng adik at pusher sa bansa dahil wala namang ginawa ang mga ito kundi gumawa lang ng krimen at sumira ng buhay ng mga tao.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.