Halos araw-araw na ang pagkaantala sa serbisyo ng Metro Rail Transit 3 (MRT 3) sa kahabaan ng EDSA.
Nasa P50 milyon ang pondo kada buwan para sa maintenance ng nasabing mga tren.
Pero palpak pa rin ang serbisyo at maraming pasahero ang patuloy na nagdurusa.
Ang buong akala natin ay matatapos na ang problema sa MRT 3 dahil dumating na ang mga bagong bagon mula sa China.
Pero lumitaw na hindi pala tugma o akma ang mga bagong bagon sa riles ng MRT 3 at maaring magresulta ito ng aksidente.
Mas mabigat daw kasi ang mga bagon mula sa China kaya hindi kakayanin ng mga lumang riles kaya nagpasya ang kasalukuyang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na huwag ipagamit ang bagong bagon at isauli na lang sa China.
Ang mga bagon na binili ng P3.8 billion sa China ay sa ilalim ng Aquino administration sa pangunguna noon ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya.
Dapat may managot sa nakaraang administrasyon. Nararapat makulong sina Abaya at iba pang opisyal ng DOTC noon na ugat ngayon ng kapalpakan sa MRT 3.
Sana ay masampolan ng Ombudsman sina Abaya at agad umusad ang kaso upang maialis na ang mga alegasyon na walang dilawan o mula sa nakaraang administrasyon ang naipakulong nito at napanagot sa batas.
Kung mapapanagot sina Abaya at mga kasamahan nito ay magsisilbing babala na sa mga opisyal ng pahalaan na palpak sa kanilang trabaho.