PATULOY na inirereklamo ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang hindi nila direktang pangangasiwa sa traning ng mga bagong pulis.
Ito ang alibi ni Dela Rosa sa gitna mg sunud-sunod na sablay ng ilang pulis tulad ng ginawa ng pulis Caloocan.
Pero sa aking pananaw, hindi training ang ugat ng kapalpakan o nangyayaring tila bara-barang trabaho ng ilang pulis.
Kung training ang pag-uusapan ay mahusay ang mga kadete na nagsipagtapos sa Philippine Militay Academy (PMA) pero may ilan dito na naging heneral ay nasangkot pa sa iba’t ibang uri ng katiwalian.
Ang maaring dapat silipin ay ang direksiyon ng liderato ng PNP sa kampanya laban sa illegal drugs at iba pang krimen.
Kung ating matatandaan na mismong si PNP chief Bato ang nagsasabi sa mga interbyu ng media na kung ayaw lumaban ang suspek na arestado ay palalabanin na ang ibig sabihin nito ay talagang papatayin ng mga pulis ang mga suspek.
Maging si Pres. Rodrigo Duterte ay tila nagbigay ng senyales sa mga pulis na maging marahas sa mga suspek.
Kung nais ni Bato na makaiwas sa kontrobersiya ang mga pulis ay dapat magkaroon ng klarong direksiyon at hindi dapat bara-bara ang mga operasyon at mahgpit na sundin ang rules of engagement ng PNP.
Muling rebyuhin ang mga derektiba sa lahat ng pulis at patawan ng mabigat na parusa ang mga aabuso sa kapangyarihan at karapatang pantao.