MISMONG si Pres. Rodrigo Duterte ang sumisigaw ng selective justice kaugnay ng mga kasong kinakaharap ng iba’t ibang pulitiko.
Sa kanyang talumpati, binatikos ng Presidente ang Ombudsman at kung bakit may pinipili itong mga kaso na minamadali na maresolba at inuupuan.
Inihalimbawa ng Presidente ang kaso nina dating Senador Jinggoy Estrada at Bong Revilla na aniya’y kung pinayagan na makapagpiyansa ang iba ay bakit hindi puwede sa dalawang ito.
Marahil ay ang tinutukoy ng Presidente ay ang pag aapruba na makapagpiyansa si dating Senate President Juan Ponce Enrile na parehong may kasong plunder kaugnay ng umano’y PDAF scam.
Kung sabagay ay pareho lang naman ang bigat ng kaso ng tatlong senador pero iisa lang ang pinahintulutang magpiyansa.
Bukod sa kaso nina Estrada at Revilla ay sinilip din ng Presidente ang kasong isinampa kay Sen. Gregorio Honasan na may kinalaman din sa PDAF scam.
Ayon sa Presidente, bakit tumagal ang mga kasong ito na sinimulan pa sa panahon ng Aquino Administration.
Sa ngayon ay hindi pa umuusad ang paglilitis mismo sa Sandiganbayan sa mga kaso ng tatlong senador habang ang mga ito ay patuloy na nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Idinagdag pa ng Presidente na may mga tiwali sa Ombudsman kaya nagkakaroon ng tinatawag na selective justice.
Inaasahan ng lahat na magkakaroon ng pagbabago sa takbo ng kaso at agad na uusad ito matapos ang naging pahayag ng Presidente upang makamtam ang tunay na katarungan sa bansa.