Ligtas nga ba ang publiko sa kalsada?

IPINANGANGALANDAKAN ngayon ng gobyerno na mas ligtas daw ngayon sa mga lansangan ang maglakad kahit alanganing oras.

Ito umano ay resulta ng kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa illegal na droga na halos ubusin ang mga gumagalang drug addict at pusher sa mga lansangan.

Oo tama at maaring ligtas sa lansangan laban sa mga drug suspect pero ligtas din kaya ang mga inosentengg sibilyan sa mga posibleng pag-abuso ng mga pulis.

Isang halimbawa ay ang pagkakapatay ng mga pulis sa 17-anyos na si Kian Delos Santos na ayon sa mga pulis ay nanlaban daw kung kaya napilitang barilin ng mga pulis.

Mayroong nakuhang kalibre.45 baril at dalawang sachet ng shabu kay Kian.

Pero maliwanag ang sabi ng mga nakasaksi at lalo na ang napanood sa CCTV na kinaladkad ng mga pulis si Kian at halos lupaypay na. Paano ito manlalaban sa mga pulis?

Ewan ko kung mabibigyang katarungan ang pagkamatay ni Kian dahil kahit anong klaseng diskarte ng mga pulis sa kanilang anti-drug operations na kahit sablay ay malabong makasuhan at mapanagot sa batas.

Sakali man hindi agad mapanagot ang mga pulis sa administrasyong ito ay maaari pa naman kapag natapos ang termino ng Duterte administration.

Puwede ring abangan natin ang pagdating ng karma sa mga pumapatay ng inosente.

Show comments