Supt. Marcos, hatulan ng korte pagkatapos ng term ni Digong

SA kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Philippine National Police (PNP) ay mabilis na nakabalik sa puwesto ang isang opisyal at mga tauhan nito matapos masangkot sa murder.

Nakabalik sa puwesto si Supt. Marvin Marcos at mga kasamahan niya sa serbisyo matapos ang kautusan mismo ni President Duterte bilang Commander in-Chief.

Sa naunang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Senado, sangkot sa krimen si Marcos at mga tauhan nito. Nagsabwatan umano ang mga ito sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa habang nasa kulungan. Inirekomenda silang kasuhan ng murder.

Pero ibinaba ng Department of Justice (DOJ) ang murder sa homicide kaya nakapagpiyansa.

Ang pinakamatindi ay agad naibalik sa posisyon si Marcos bilang hepe ng CIDG Region 12 kasama ang 15 pang akusado.

Walang magagawa si PNP chief Director General Ronald dela Rosa kundi sundin ang kanyang Boss na si President Duterte.

Napamura si Sen. Panfilo Lacson sa sobrang pagkadismaya sa pagbabalik sa puwesto ni Marcos samantalang ang iba pang senador ay hindi rin nagustuhan ang aksiyon ng Presidente.

Ngingisi-ngisi at tatawa-tawa marahil si Marcos dahil tuloy ang ligaya. Tila nagbakasyon lang at mabilis na nakabalik sa serbisyo kahit nasabit sa mabigat na kaso.

Hindi diyan natatapos dahil pangako rin ni Duterte na kung hahatulan ng korte si Marcos ay agad nitong gagawaran ng pardon upang lubos na malibre sa kaso.

Sana naman, hindi agad matapos ng korte ang paglilitis sa kaso ng grupo ni Marcos at lumampas ito sa pagtatapos ng termino ni Duterte sa 2022 upang makatiyak na makukulong din ang mga ito. Malamang hindi ito makakatikim ng pardon sa sinumang bagong mahahalal na Presidente.

 

Show comments