NAPAKARAMING proyekto ang inilulunsad ng Department of Transportation (DOTr) na magsisilbing long term solution sa problema sa trapiko.
Ibinandera na ni DOTr Sec. Arthur Tugade ang Manila-Clark railway system na target makumpleto bago matapos ang termino ni Pres. Rodrigo Duterte.
Maganda at makakabuti para sa lahat ang proyektong ito dahil malaki ang maitutulong para maisaayos ang public mass transport sa bansa.
Totoong malaking ginhawa ito sa commuters mula sa Pampanga at Bulacan na magtutungo sa Metro Manila dahil bibilis ang biyahe.
Magiging produktibo rin ang mga manggagawa sa Central Luzon na nagtratrabaho sa Metro Manila.
May mga panukala pang subway at iba pang imprastraktura sa iba’t ibang panig ng bansa.
Pero teka muna Secretary Tugade, bago mo umpisahan ang mga proyektong ito, unahin mo muna ang problema sa MRT at LRT. Halos araw-araw, tumitirik ang MRT 3 na malaking perwisyo sa commuters.
Kung hindi mapapatino ni Tugade ang MRT, paano pagtitiwalaan na magiging maayos ang kanilang inilunsad na proyekto.
Ang mga problema sa MRT ay minana na lang sa nakaraang administrasyon pero ito ang kasalukuyang pinakikinabangan nang marami at kung magpapatuloy ang kapalpakan sa serbisyo, mahirap pagtiwalaan na magiging maayos din ang mga susunod na proyekto.