Parekoy (12)

LILIGAWAN na talaga niya si Sarah. Iyon ang gagawin niya ngayong narito na siya. Hindi na siya madudungo o kakabahan kapag kaharap na ito. Nasa isip lamang ang pagkatorpe kaya kailangang unahan niya. Kapag hindi pa niya nilabanan ang pagkatorpe, mahihirapan na siyang magkaasawa. Mabuti nga at nagpapakita na ng motibo si Sarah kaya hindi na mahirap ligawan. Lalo pang magi­ging madali kapag ibinigay niya ang regalong dala niya ngayon. Isang mamahaling pabango na binili pa niya sa Riyadh ang regalo niya kay Sarah. Hilig talaga niyang bumili ng pabangong pambabae at panlalaki. Nakaipon siya nang maraming pabango kaya mayroon agad siyang pambigay kay Sarah. Kahit buwan-buwan ay bigyan niya ng pabango si Sarah ay uubra. Tiyak na matutuwa si Sarah sa pabango dahil kilala ang brand at talagang mamahalin. Kung sa Toblerone nga ay tuwang-tuwa si Sarah at hindi matapus-tapos ang pasasalamat ay sa pabango pa kaya na ubod nang mahal at kilalang brand. Baka paghahalikan siya ni Sarah kapag ibinigay niya ang pabango.

Kinse minutos siyang naglakad hanggang makara­ting sa bahay nina Ping. Gulat na gulat si Ping at hindi inaasa­hang sa araw na iyon darating ang kaibigan.

“O, akala ko bukas ka pa darating Parekoy?’’

“E hindi na ako makatiis e.”

“Tamang-tama ang dating mo Parekoy!”

“Bakit?’’

“Pupunta rito si Sarah maya-maya at magdadala raw ng masarap na meryenda. Birthday yata ng inay niya at naghanda sila ng meryenda.’’

“Aba tamang-tama nga dahil may regalo ako sa kanya. Magugustuhan niya ito.’’

“Aba mukhang hindi ka na mahiyain, Parekoy.’’

“Nilalabanan ko na Parekoy.’’

“Ganyan nga. Sige halika na at mag-shot-shot na tayo. May alak akong nakatago.’’

“May dala rin ako Parekoy.’’

“Okey sige.’’

Nag-inuman sila.

Mga kalahating oras ang lumipas, may tumawag sa labas. Si Sarah!

(Itutuloy) 

Show comments