Tanong: Ang problema ko po ay constipation (pagtitibi). Pinayuhan ako ng aking kaibigan na uminom ng slimming herbal tea para makaRumi at pumayat. Mabuti ba ito para sa akin? — Marian
Sagot: Hindi ko pinapayo na uminom ka ng herbal tea. May posibleng side effect ito na makasasama sa kalusugan. Karamihan ng slimming tea ay may sangkap na senna. Oo, makakadumi ka kapag uminom nito. Pero puwede din ito magdulot ng pagtatae, pagsusuka, panghihina at pagbaba ng potassium sa dugo. Delikado ito.
Mayroon ding mga gamot na pampaRumi tulad ng bisacodyl (isang laxative) na nirereseta ng doktor. Puwede itong inumin ng paisa-isa lamang pero masama din ito sa katagalan. Kapag tuluy-tuloy ang pag-inom ng mga laxatives o slimming tea, magiging dependent ka (o masasanay) sa pag-inom nito. At kapag inihinto mo ang pag-inom nito ay diyan ka makararanas ng matinding constipation.
Kaya kung gusto mong magpapayat, bawasan na lang ang iyong kinakain. Bawasan ang matatamis at matataba na pagkain. Mag-ehersisyo ng madalas. Huwag umasa sa mga slimming tea.
Kung ang problema naman ay hindi makaRumi, sundin ang mga payong ito:
1. Kumain nang maraming gulay na mataas sa fiber tulad ng kangkong, patola, okra at malunggay. Piliting kumain ng 2 tasang gulay bawat araw.
2. Kumain ng prutas tulad ng papaya, pakwan at peras. Kumain din ng katumbas ng 2 tasang prutas sa isang araw.
3. Uminom ng 8 hanggang 10 basong tubig sa isang araw. Kailangan ang tubig para lumambot and dumi. Kapag kulang ka sa tubig, magiging parang bato ang iyong dumi.
4. Igalaw-galaw ang iyong katawan. Maglakad o mag-jogging. Tumalon-talon at sumayaw para bumilis ang paggalaw ng iyong bituka.
5. Tumawa nang madalas. Ang pagtawa ay para ring isang uri ng ehersisyo. Naaalog ang iyong tiyan at buong katawan.
6. Sanayan ang sarili na dumumi sa takdang oras. Halimbawa, bawat umaga ang oras ng iyong pagdumi. Sa ganitong paraan, masasanay ang iyong katawan na sundin itong schedule.
7. Suriin ang iyong mga gamot. May mga gamot na nagdudulot ng constipation tulad ng gamot para sa kirot at iba pa.
8. Kapag nagawa mo na ang mga payong ito at hindi pa rin lumambot ang iyong dumi, kumunsulta sa doktor para masuri ito. Good luck.