Parekoy (6)

NANG makaalis si Sarah, ipinagpatuloy nina Lino at Ping ang pag-iinuman at pagkukuwentuhan. Nang duma­ting ang ipinalutong tilapia at hito ni Ping ay kumain muna sila. Sabik na sabik si Lino sa ginataang tilapia na may dahon ng mustasa. Nilantakan din niya ang inihaw na hito na isinawsaw sa sukang tuba na maraming nakababad na bawang at sili.

“Ang sarap, Parekoy ng inihanda mo,” sabi ni Lino.

“Masarap ba? Sige kain ka pa at habang narito ka sa amin ay marami pa akong ipahahanda.’’

“Kakahiya naman Parekoy. Maaabala kita.’’

“E ano naman? Para saan pa ang pagkakaibigan natin? Matagal din naman ang pinagsamahan natin sa Saudi.’’

“Nung umalis ka sa Saudi nun, nanibago ako, Parekoy. Nasanay ako sa mga kakenkoyan mo. Nakakalungkot nang umalis ka.’’

“Yung nakasama mo sa kuwarto, mabait naman ba?’’

“Mabait din kaso e wala ring imik na katulad ko. Kahit magkasama kami e hindi gaanong nag-uusap. Hindi katulad nung tayo pa ang roommate.’’

“Talagang ineksakto mo ring 15 anyos ka sa Saudi ano?’’

“Oo. Tama na yun. Napagtapos ko na naman ang mga kapatid ko. Awa ng Diyos ay may mga trabaho na sila.’’

“E di paano ang buhay mo ngayong wala ka na sa Saudi? Anong pinagkakakitaan mo?’’

“Sa ngayon, wala pa. Bahala na. Hindi pa naman ako nagwo-worry dahil malaki rin naman ang naiuwi kong pera. Nilagay ko sa time deposit ang kalahati at ang kalahati ay sa stock market.’’

“Mabuti ka pa Parekoy at may naitabi. Ako napunta sa bahay na ito ang kinita ko sa Saudi. Yung separation ko e nagastos sa pagpapagamot kay Itay.’’

“E anong pinagkakakitaan mo ngayon, Parekoy?’’

“May nabili naman akong palayan at niyugan at ayos naman ang kita sa anihan. Ang talo ko lang ay kapag binagyo at natuyot.’’

“Kapag kakapusin ka, magsabi ka lang at mayroon pa akong pang-emergency, Parekoy.’’

“Salamat Parekoy.’’

“Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo.’’

“Yan ang gusto ko sa’yo Parekoy. Teka, inom pa tayo.’’

Uminom pa sila.

Maya-maya, si Sarah na ang topic nila.

“Mahiyain ka sa tsik ano, Parekoy?” tanong ni Ping.

“Oo Parekoy. Mahina ang boladas ko.’’

“Mukhang kakagat si Sarah. Gusto mo ba?’’

(Itutuloy)

Show comments