NAWALAN na naman ng preno. Ganito lagi ang dahilan kapag may nahuhulog na bus sa bangin o umaararo sa mga tao at bahay na nagreresulta sa maraming pagkamatay ng mga biktima. Kailan igagarahe ang mga karag-karag na bus para naman maiwasan ang pagkamaty ng mga inosenteng pasahero.
Kahapon, isang bus na galing Cagayan Valley at patungong Abra ang nahulog sa bangin sa Bgy. Capintalan, Carranglan, Nueva Ecija. Ayon sa report, umabot na sa 29 ang namatay sa malagim na aksidente. Nag-overtake umano ang bus sa isa pang bus sa pababang bahagi ng highway nang mawalan ito ng preno at tuluy-tuloy na bumulusok sa may 100 metrong lalim ng bangin. Nahirapan ang rescuers sa pagkuha sa mga biktima sapagkat masyadong matarik ang bangin. Kailangang gumamit ng lubid para makababa at makaakyat ang rescuers.
Karaniwan na lamang ang nangyayaring ito na may mga bus na nahuhulog sa bangin at marami ang namamatay. Kamakailan lang, 15 estudyante ang namatay nang bumangga ang sinasakyang tourist bus sa Tanay, Rizal. Nawalan din ng preno ang bus. Nadiskubre na 30 taon na umano ang gulang ng bus.
Sa nangyaring aksidente sa Caranglan tiyak na maghihigpit na naman ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mag-uutos na inspeksiyunin ang mga bus. Sususpendihin ang bus company ng ilang araw o linggo at magsasagawa ng imbestigasyon. Pero makalipas ang ilang buwan, balik uli sa normal. Balik na naman sa pagbibiyahe at magkakaroong muli ng imbestigasyon kapag may nangyari muling aksidente.
Nararapat nang igarahe ang mga pampasaherong sasakyan na may edad 15 anyos pataas sapagkat “takaw-aksidente” na ang mga ito. Mistulang “kabaong” na ang mga ito na yumayaot at nang-aakit ng mga sasakay para dalhin sa kadiliman.
Igarahe na ang mga “Kabaong Bus” sa buong bansa!