EDITORYAL - Saan hahantong ang mga bagong graduate?

MARAMI na namang ga-graduate sa kolehiyo ngayon. Ayon sa report, humigit-kumulang sa isang milyong college students ang magmamartsa para abutin ang kanilang diploma. Tiyak na nakangiti sila habang inaabot ang kanilang diploma. Walang pagsidlan ang kanilang kasiyahan sapagkat pagkaraan ng apat na taon, nagkaroon din ng bunga ang kanilang “pagsusunog ng kilay”. Abot-taynga rin ang ngiti ng mga magulang sapagkat nagbunga rin ang kanilang pagsasakripisyo.

Pero ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philipines (ALU-TUCP), nahaharap sa madilim na bukas ang mga bagong graduates ngayong taon na ito sapagkat marami pa ring problema kaugnay sa paghahanap ng trabaho. Kaunti ang nakalaang trabaho sa mga bagong graduates sapagkat hindi nagma-match ang kanilang tinapos. Kung makakita naman ng trabaho, problema rin ang kakaharapin sapagkat maliit ang suweldo. Problema pa rin ang contrac-tualization o ENDO na kahit inaprubahan ng DOLE noong Biyernes ay tutol pa rin ang samahan ng employers.

Tiyak na ang magiging mabigat na problema ng ga-graduate ngayon ay wala agad silang makukuhang trabaho sapagkat bigo pa rin ang gobyerno na makapag-create ng trabaho. Walang kakayahan ang pamahalaan na mabigyan ng trabaho ang mga nagtatapos taun-taon. Ang mga magtatapos ngayon ay mapapabilang sa mga dati nang tambay. Ayon sa survey, tumaas ang mga walang trabaho (6.6 percent) noong Enero.

Marami namang paraan para malutas ang unem­ployment. Isa sa posibleng source ng trabaho ay ang agri sector. Kung ganun, paunlarin ng pamahalaan ang sector na ito. Kapag napaunlad, tiyak na dadami ang trabaho sa bansa. Mawawala na ang mga tambay.

Show comments