SA dami ng mga kawatang vulcanizing shop sa India ay nagawang makapag-ipon ng isang engineer doon ng 50 kilong pako na pinulot lang niya mula sa mga lansangan.
Nagsimula ang lahat nang mapansin ni Benedict Jebamukar na lagi siyang nabubutasan ng gulong tuwing dumadaan siya sa Outer Ring Road sa Bangalore.
Noong una ay inakala niyang nagkataon lang ito ngunit naghinala na siya nang mapansin niyang tabi-tabi ang mga vulcanizing shop sa lugar.
Nagpunta siya sa lokal na kinauukulan ngunit hindi naman inaksyunan ang kanyang reklamo kaya nagpasya siyang siya na mismo ang maglilinis ng mga pakong ikinakalat ng mga vulcanizing shops sa lansangan.
Kinamay niya noong una ang pagpulot sa mga pako ngunit masyado itong mabagal at nakakapagod kaya kumuha ang 55-anyos na engineer ng pamingwit at nilagyan ang dulo ng tali nito ng magnet na siyang pupulot sa mga pako sa daan.
Sinimulan ni Jebamukar ang kanyang krusada noong 2012 at simula noon ay nasa 50 kilong pako na ang kanyang napupulot sa mga lansangan.
Ngayon ay wala pa ring balak si Jebamukar na itigil ang pamumulot ng pako sa lansangan dahil wala pa rin ginagagawa ang mga awtoridad sa modus na ginagawa ng mga vulcanizing shop sa kanilang lugar.